Advertisers
Sa kabila ng edad na 60, sinikap ng isang lola na makapagtapos ng elementarya na taga Binangonan, Rizal.
Kinilala ang nasabing lola bilang si Letecia Domondon.
“(Ang) sarap pala ng feeling ng makapagsuot ng toga. Salamat sa Diyos naranasan ko rin ang magsuot ng toga,” wika ni lola Letecia.
Aminado si Domondon na nahirapan siya sa pagbabalik niya sa pag-aaral partikular noong nagka-pandemya, ngunit tinulungan siya ng kanyang pamilya.
“Noong una, sa module, talagang nahirapan ako. Sumasakit ang ulo ko, nase-stress ako, gano’n. Sabi ko nga noon sa anak ko, sa bunso, hindi ko na yata kaya,” kwento ni Domondon. “Nagpursigi akong ituloy iyon at inencourage din naman ako ng mga anak ko, mga apo, na ipagpatuloy.”
Kuwento pa ng lola, 12 anyos lang siya nang huminto sa pag-aaral para mamasukan bilang kasambahay. Buhat noon, hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na makabalik sa pag-aaral.
“‘Iyong pangarap ko, doon ko na lang ibubuhos sa magiging mga anak ko,’ sabi ko. Iyon ang naitanim sa aking puso’t isipan,” aniya.
Hindi pa diyan natatapos ang pangaral ni Domondon. Aniya, nakapag-enrol na siya sa high school at balak na rin niyang ituloy ang pag-aaral hanggang kolehiyo.
“Naka-enroll na po ako sa high school. Gusto ko pong ipagpatuloy iyong aking pag-aaral. Wala pala sa edad ang pag-aaral. Kung magnanais ka lang mag-aral, mangyayari pala,” diin pa ng lola.