Advertisers
PINATIGIL muna ni Bohol Governor Aris Aumentado ang mga motorbanca na bumabiyahe sa Virgin Island sa Panglao.
Ito’y matapos mag-viral sa social media ang reklamo ng ilang turista hinggil sa inorder nilang mga pagkain partikular seafoods na napakamahal.
Sa social media post ng gobernador, naalarma sila nang makarating sa kanila na umabot sa mahigit P26,000 ang binayaran ng isang grupo ng turista na bumisita sa isla.
Magpapatawag, aniya, siya ng pagpupulong sa mga opisyal sa Virgin Island para talakayin ang nasabing usapin.
Pinasalamatan naman ni Department of Tourism Secretary Christina Frasco ang gobernador dahil sa pagtutok agad sa nasabing usapin.
Maliban sa DoT, ang Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay magsasagawa rin ng sarili nilang imbestigasyon sa kaso dahil nakakabahala anila ito ngayong naghihikayat ang gobyerno ng mga turista na pumasok sa bansa.