Advertisers
Nakatakdang maglunsad ang Pamahalaang lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ng Mega Job Fair sa darating na Martes, August 16, mula 10:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon sa 3rd floor, SM Grand Central kung saan mayroon 6,000 local at overseas job vacancies mula sa 40 partner agencies nito.
Nakikipagtulungan ang Public Employment Service Office (PESO), sa pamamagitan ng Department of Labor, sa iba’t-ibang korporasyon kabilang ang SM Supermarket, Puregold, Ignite Careers, Ravago Equipment Rental at Concentrix, bukod sa iba pa, na makapagbibigay ng oportunidad para sa mga residente ng Caloocan City na may bakante para sa high school-level hanggang college graduates.
Alinsunod sa pagsisikap na ito, binigyang-diin ni PESO Officer-in-charge Violeta Gonzales na magiging mas madali at walang putol ang proseso, at dapat tatanggapin on-the-spot ang mga aplikante tulad ng local recruitment activity ng departamento.
“Mas pinadali na natin ang pag-a-apply para sa ating mga residente at kung ma-meet naman ang mga kwalipikasyon, maaari rin silang ma-hire on-the-spot. Nais natin na mabigyan ng oportunidad na magkatrabaho ang libo-libo nating mga kababayan alinsunod sa hangarin ni Mayor Along Malapitan,” wika ni Gonzales.
Hinimok ni Mayor Along ang mga naghahanap ng trabaho sa lungsod na mag-aplay, na binibigyang diin ng programang ito ang isa sa plano ng pagkilos ng pamahalaang lungsod upang mabawasan ang epekto ng krisis.
“Bahagi ang Mega Job Fair ng ating pangakong recovery program para sa inyo. Alam kong marami po tayong kababayan na naghahanap ng trabaho, samantalahin niyo po sana ang pagkakataon na ito at mag-apply sa ating mga katuwang na ahensya at kumpanya,” pahayag ni Mayor Along.
Kasabay nito, magkakaroon din ng “One Stop Shop” para sa iba pang tanggapan ng gobyerno sa nasabing job fair na binubuo ng mga serbisyo mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG Fund at Philippine Statistics Authority (PSA), na bukas din para sa mga naghahanap ng trabaho at para sa general public.
Nakatakda ang susunod na Mega Job Fair sa Agosto 26, na gaganapin sa Caloocan Sports Complex, upang magpagsilbi pa ang mas maraming residente sa North Caloocan.(BR)