Advertisers

Advertisers

NATIONWIDE CURFEW PARA SA MGA KABATAAN

0 1,756

Advertisers

Isang napakagandang panukalang batas para sa inyong abang lingkod ang paglalagay ng curfew para sa kabataan na may edad 17-anyos pababa.

Ang imposisyon nito o pagpapatupad sakaling ganap nang maging batas sa buong bansa ay malaking tulong hindi lamang sa mga magulang ng mga minors na ito kundi sa mga lider ng komunidad, kapulisan at sa marami pang sektor.

Inihain sa House of Representatives (Kamara) ang panukala para sa pagpapatupad ng nationwide curfew para sa mga menor de edad na 17-anyos pababa at pagpapataw ng penalty at pagkakakulong sa mga magulang ng minors na repeat offenders.



Sa ilalim ng House Bill 1016 o ang Nationwide Curfew Act na inihain ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera, pagbabawalan ang mga minors na lumabas o gumala pa sa lahat ng public places mula 10pm hanggang 5am, ito man ay mag-isa o grupo nang walang justifiable reason o legal na dahilan.

Nakasaad din sa naturang panukala na magiging labag sa batas para sa isang magulang o guardian ng isang menor de edad na pahintulutan o walang sapat na kontrol para manatili pa sa labas o anumang pampublikong lugar ang isang minor sa kasagsagan ng curfew hours.

Nakapaloob sa naturang panukalang batas na sa unang paglabag, ang isang minor na mapatunayang lumabag ay ire-refer sa pinakamalapit na barangay hall o police station.

Ang Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) ang siyang magsasagawa ng child counseling bago iturn-over ang menor de edad sa kanilang magulang o guardian.

Ang mga magulang o guardians ng first-offenders ay paparusahan ng 48 oras ng community services o multa na P2,000.



Para naman sa second offense, ang mga lumabag na minor kasama ang kanilang magulang o guardian ay kailangang dumalo sa dalawang magkasunod na regula sessions ng counseling na isasagawa ng BCPC.

Ang mga magulang o guardian na minor na lumabag sa curfew ay kailangang mag-render ng 72 hours na community service o multa na P3,000.

Sa third offense naman, ang mga lumabag na minor ay dadalhinsa Department of Social Welfare and Development (DSWD) office na may hurisdiksyon sa locality ng residence ng minor para sa kaukulang counseling at maayos na disposisyon sa naturang isyu.

Ang magulang o guardian ng minor na lumabag ay papatawan ng multa na P5000 o pagkakakulong ng anim na buwan.

Bilang isang barangay official din sa aming lugar, batid natin ang malaking kinakaharap na problema ng mga tulad nating opisyal ng barangay o opisyal ng homeowners association sa pagpigil sa mga kabataang ito na gumala sa dis-oras ng gabi.

Kadalasan, ito rin ang sanhi o punu’t dulo ng mga kaguluhan gaya ng riot na madalas ay nagreresulta ng kamatayan ng mga kabataang sangkot dito.

Maiibsan din at mapapalagay ang kalooban ng ating mga magulang na talaga namang kunsumido na sa mga pasaway at matitigas ang ulong mga anak.

Hindi lamang po sa peace and order makakatulong ang House Bill 1016 ni Congw. Bernadeth Herrera kundi maging sa paghubog sa tamang pag-uugali ng ating kabataang henerasyon at mailayo ang mga ito sa kapahamakan at masasamang bisyo.

Isa tayo sa maraming nananalangin na nawa’y ganap nang maisabatas ang bill na ito ni Coingresswoman Herrera panabay ang lubos na paniniwalang malaki ang maitutulong nito sa kapakanan ng ating mga kabataan at ng ating susunod na henerasyon.

***

PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com