Advertisers
Naghain ng electoral protest ang ilang tumakbong kandidato ng District 3 na kabilang sa grupo ng Team Pagbabago laban sa grupo ng team Asenso Manilenyo sa tanggapan ng Commission on Election (Comelec) nitong nakaraang Agosto 17, 2022.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Sec. 261 Omnibus Election Code (Batas Pambansa Blg. 881) nina Aileen Jimena Rosales, Joey Uy Jamisola, Bernie Manikan at Ernesto Cruz Jr. sina Maria Shiela ‘Honey’ Lacuna, Yul Servo Nieto, Maile Atienza, Terrence G. Alibarbar, Johanna Maureen C. Neito-Rodriguez, Joel Chua, Jong Isip at Timothy Oliver Razcal.
Katuwang ng mga nasabing petitioners ang paghahain ng kaso sina Atty. Cesar Brillantes at Atty. Azurin.
Ayon kay Atty. Brillantes, lumutang ang mga taong gustong tumistigo sa nasabing massive vote buying dahil nais nilang magkaroon ng hustisya ang naging tahasang dayaang naganap sa Maynila.
Nais ipaglaban ng mga nasabing botante ang kanilang mga karapatan
May mga testigong lumantad at naglakas ng loob at patuloy na tumulong sa inilunsad na tunay na pagbabago ni Atty Alex Lopez kaya nagbigay sila ng kanilang mga sinumpaang salaysay sa kanilang mga nasaksihan nitong nagdaang eleksyon sa Maynila.
Partikular na sa Distrito 3, na mayroon 9 na rehistradong botante ang nagbigay ng kanilang sinumpaang salayasay sa ginawang vote-buy ng team Asenso Manilenyo sa kanilang distrito.
Ilan sa kanila nakakita ng bilihan ng boto at ang ilan naman sila mismo ang nakaranas na binibili ang kanilang mga boto sa halagang P500 na maliwanag na paglabag sa Omnibus election code na isang kasong kriminal.
Sinabi ni Atty. Brillantes, na kapag napatunayang nagkasala ang mga akusado dahil isa itong kasong kriminal maaari silang makulong ng 1 hanggang 6 taon at hindi probationable o hindi maaaring lumabas bukod sa pagkakakulong mayroon di itong kaakibat na ‘disqualification of holding office’ at mawawalan na rin sila ng karapatang bumoto.
Nabalitaan rin ng kampo ng Team pagbabago na kinakausap na ng ilang mga akusado ang kanilang mga testigo. Bunsod nito nagbanta si Chickee Ocampo, tumakbong konsehal ng 6th District ng Maynila, na muli nilang kakasuhan ang mga ito ng harrassment.
Matatandaan na matapos ang election nitong May 9, walang habas na ang ginawang panggigipit ng dating Manila Mayor Isko Moreno sa ilang barangay chairman na tumakbong konsehal sa tiket ng Team Pagbabago na hindi pinalad na manalo, partikular na sina Chairman Rosales at Chairman Jamisola nang ipagiba ang kanilang mga barangay dahil umano mga sagabal ito sa daraanan.
Nanawagan ang grupo ng Team Pagbabago sa Comelec, na gawan ng agarang aksyunan ang naturang electoral protest na inihain sa Maynila at huwag ng patagalin dahil nagnanais ang mga Manilenyo ng isang tapat na serbisyo.
“Dapat magkaroon ng totoong public servants sa Maynila sa katauhan ni Atty. Alex Lopez,” pahayag ni Chickee Ocampo.