Advertisers
SINALAKAY ng Philippine Drug Enforcement Agency Region III (PDEA-3) ang tatlong makeshift drug den na nagresulta sa pagkakaaresto sa 13 drug personalities at pagkakakumpiska ng nasa P269,100.00 halaga ng shabu sa Angeles city, Pampanga.
Sa sunod-sunod na drug operations sa Barangay Pampang noong Biyernes ng hapon, Agosto 19, tinarget ng PDEA-3 ang tatlong makeshift drug den at naaresto sina Raymond Ombal, 28; Jake Abe, 26; Robert Cabrera, 20; Germe Billotes, 32; at Kim Santos, 21.
Ang inisyal na operasyon, nagresulta sa pagkakasamsam ng pitong transparent sachet ng shabu na may 12 gramo.
Sa isa pang drug den, nakuha ang 15 gramo ng shabu, samu’t saring drug paraphernalias at pag-aresto sa apat na indibidwal na kinilalang sina Myla L. Parangat, Jomar L. Parangat, Dominick M. Bulda, at Ferdinand R. Evaristo.
Nakuha rin sa isa pang hiwalay na drug den ang isa pang 12 gramo ng shabu, samu’t saring drug paraphernalias at pagkakaaresto sa apat pang personalidad na kinilalang sina Aurilio M. Pangilinan, 48; Roberto T. Garcia, 32; Marvin P. Crispolo, 36; at Orlando O. Poquiz, 34.
Nakakulong ngayon ang mga naaresto sa PDEA-3 Jail Facility.