Advertisers

Advertisers

Consumer group nagsampa ng kaso sa DICT… J&T BAWIAN NG LISENSYA!

0 305

Advertisers

PINAPATANGGALAN ng lisensya ng isang consumer advocacy group ang delivery service provider na J&T dahil sa anilaý ga-bundok na reklamo sa palpak na serbisyo.

Nagsampa ng kaso ang United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) kahapon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para tanggalan ng lisensya ang J&T at ang franchise partners nito dahil sa labor at operations malpractice na labag sa batas.

Ang UFCC ay isang advocacy group na nagproprotekta ng mga karapatan ng mga mamimili at tumatayong intermediary sa pagitan ng gobyerno at ng publiko sa pamamagitan ng pagsulong ng policy at regulatory reforms. Kasama sa adbokasiya ng grupo ang subaybayan ang mga aktibidad ng ibat-ibang logistics providers sa bansa sa gitna ng mga nag-uumapaw na mga reklamo galing sa mga mamimili at nagbebenta.



“Nananawagan kami kay Pangulong Bongbong Marcos na silipin ang mga iregularidad at mga anomalya na diumano’y pinapalaganap ng J&T,” sabi ni dating Congressman at UFCC national advisor Jonathan Dela Cruz.

Ayon sa consumer group, minamaliit ng J&T ang pagsisikap ng DICT sa pag-regulate ng postal delivery service at inilalagay nito sa panganib ang kaunlaran at estabilidad ng Philippine digital economy na isa sa mga kritikal na sektor para sa economic recovery plans ng bansa.

“Bilang ang serbisyo ng J&T ay kalat na kalat sa buong bansa, ang paulit-ulit na paglabag nito sa Postal Service Act at iba pang mga batas ay sapat na batayan para bawiin ang ‘Authority to Operate Express and/or Messenger Delivery Service’ nito,” ayon kay Dela Cruz. “Hindi lang ang J&T ang hinahabol namin dito sa aming adbokasiya. Nagkataon lang na karamihan sa mga reklamong pinaparating sa amin ay puro tungkol sa kanila.”

Sa reklamong ipinadala ng UFCC sa DICT, hiniling nilang imbestigahan ng gobyerno ang operasyon ng J&T at ng franchise partners nito na patuloy umano sa pagnenegosyo ng walang kaukulang franchise permits. Partikular na tinukoy ni Dela Cruz ang J&T franchisees sa Maynila, Quezon City at Caloocon.

“Sa kawalan ng legal accreditation, kawawa ang mga mamimili sa mga negosyong ito. Wala silang puwedeng takbuhan kung nasira ang mga pinamili nila. Mahirap kilalanin ang mga salarin kung kulang-kulang ang mga dokumento na puwedeng ma-access ng publiko,” sabi ni Dela Cruz.

Noong nakaraang taon, pinatawag ni Pangulong Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para imbestigahan ang J&T. Ipinatawag niya rin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para siyasatin kung ang J&T ba ay nagbabayad ng tamang buwis.



Gayunman, tumatakbo pa rin ang negosyo nito nang walang pagbabago at laganap parin ang mga reklamo. Kasama na rito ang mishandling of parcels na nakakasira sa mga produktong ipinamili, contrabands na natagpuan sa loob ng J&T property, mga nawawalang parcels, overcharging sa delivery fees, maling pag gamit ng pribadong impormasyon ng mga kustomer, at hindi makatarungang mga polisiya sa trabaho. Noong 2020, kinumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 12 kilo ng methamphetamines na nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P81.6 million sa isang warehouse na pagmamayari ng J&T.

Noong nakaraang Hunyo, nagwelga ang workers’ union ng J&T na ang United Rank and File Employees (URFE) upang manawagan para sa mas maayos na labor conditions, tamang pagbabayad ng overtime pay, at pagbibigay ng kaukulang health benefits. Inireklamo rin ng mga manggagawa ang umanoý forced labor, mga hindi nababayarang overtime pay at tuluyang pagbabawas ng allowance para sa mga mahahabang biyahe at para sa mga pagkakataong sila ay stranded habang may delivery.

Leave A Reply

Your email address will not be published.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More