Advertisers
Upang ipakita ang pakikisa at suporta, pinanood ni Senator Christopher “Bong” Go, kasama ang mga kapwa senador, ang katatapos na laban ng Philippine men’s basketball team laban sa Saudi Arabia sa FIBA ??World Cup Asian Qualifiers na ginanap sa Mall of Asia Arena noong Lunes, Agosto 29.
“Bilang tagapangulo ng Senate committee on sports, buong pagmamalaki at karangalan na ipinapahayag ko ang aking taos-pusong pasasalamat at pagbati sa bawat miyembro ng Team Gilas Pilipinas sa kanilang walang patid na debosyon sa ating bansa sa pamamagitan ng kanilang kapuri-puring pagganap sa harap ng Pilipino crowd,” sabi ni Go matapos tambakan ng Gilas Pilipinas ang Saudi Arabia sa harap ng home crowd.
“Ako po ay naniniwala sa kakayanan ng bawat isa sa inyo. Andito lang po kami, full support sa ating mga atleta,” dagdag niya.
Tiniyak ni Go na nananatili siyang matatag sa kanyang pangako na isusulong ang mga programa sa pagpapaunlad ng palakasan sa bansa at pagsasagawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang kapakanan ng mga atletang Pilipino.
Si Go, kasama ang iba pang mga senador, ay naghain kamakailan ng Senate Resolution No. 83 na humihimok sa committee on sports na magsagawa ng inquiry “in aid of legislation” upang lubos na masuportahan ang Philippine national basketball team sa mga darating na internasyonal na kompetisyon at tingnan ang mga paghahanda ng mga tanggapan o ahensya para sa ating pagho-host ng 2023 FIBA ??World Cup.
“Titingnan natin kung paano tayo makatutulong na palakasin pa lalo ang ating mga sports program lalo na sa basketball na hilig talaga ng mga Pilipino. Sa napakaraming taon, ang ating pambansang koponan ay nagbigay ng karangalan sa ating bansa. So we want to make sure we can keep on improving,” paliwanag ni Go.
Nilinaw ni Go na ang inquiry ay naglalayong tiyakin ang mga kaugnay na batas at polisiya upang maprotektahan ang kapakanan ng mga atletang Pilipino sa hinaharap na mga internasyonal na kompetisyon.
“Bilang mambabatas, nais nating pag-usapan kasama ang mga manlalaro, organizers, coaches at sports officials kung paano makatutulong ang gobyerno sa ating iisang hangarin na magtagumpay sa mga kompetisyon,” paglilinaw ni Go.
Higit dito, hinimok ni Go ang lahat ng Pilipino na magkaisa at magtulungan upang ang ating mga atleta ay makapagbigay ng higit na karangalan sa bansa.
“Kaya naman po hinihimok ko rin ang ating mga kababayan na magkaisa para sa ating Gilas Pilipinas Men’s basketball team. Ibigay po natin ang suportang kinakailangan nila,” ayon sa senador.
“Again, sama-sama po nating itaas ang dangal ng Pilipinas sa mundo ng sports. Goodluck po sa ating mga atleta at mabuhay po tayong lahat!” pagtatapos ng senador.