Advertisers

Advertisers

Low Risk Classification na ang COVID-19 ADAR sa NCR

0 255

Advertisers

SINABI ng OCTA Research Group na ikinukonsidera nang nasa ‘low risk classification’ ang COVID-19 average daily attack rate (ADAR) sa National Capital Region (NCR).

Sa datos ng independiyenteng OCTA Research Group na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Martes, nabatid na pumalo na lamang ang ADAR sa rehiyon sa 5.98 kada 100,000 populasyon sa ngayon.

Mas mababa ito kumpara sa naitala noong Agosto 22, na nasa 7.32 kada 100,000 indibidwal.



Ang ADAR ay yaong average na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa isang panahon, kada 100,000 katao.

Ani David, ang ADAR na mas mababa sa 6 ay itinuturing na ‘low,’ base sa kanilang mga sukatan o metriko.

Samantala, ang seven-day average ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa NCR ay bumaba rin ng 19% mula sa 1,062 noong Agosto 22 ay naging 862 noong Agosto 29.

Ang reproduction number naman ng NCR ay bumaba rin mula sa 0.99 noong Agosto 19 at naging 0.95 na lamang noong Agosto 26.

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang mabagal na hawahan ng virus.



Ang one-week positivity rate naman sa NCR, ay bumaba rin sa 14.6% noong Agosto 18 at naging 12.7% na lamang noong Agosto 25.

Ang positivity rate ay yaong porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa sakit mula sa bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.

Ang healthcare utilization rate naman para sa COVID-19 ay nananatiling nasa low sa 33% habang ang intensive care unit (ICU) occupancy naman ay mababa rin sa 25.8%. (Andi Garcia)