Advertisers
Arestado ang apat na katao kabilang ang asawa na sangkot sa pagpatay sa isang fishpond owner sa bayan ng San Miguel, Bulacan.
Kinilala ni Bulacan Police Acting director PCOL. Charlie Cabradilla ang mga salarin na sina Maricel Beltran, asawa ng biktima bilang mastermind; Benjie Garcia, gunman; mga kasabwat na sina Romie De Guzman at Anthony Velasquez, foster son o anak-anakan ng biktima bilang middle man sa krimen.
Ang biktimang negosyante kinilalang si Ryan Beltran, 39, residente ng Brgy. Maligaya ng naturang bayan.
Sa report, nangyari ang insidente 11:00 ng gabi nitong Agosto 27 sa mismong rest house ng biktima sa lugar.
Ayon sa salaysay ni Maricel, habang mahimbing na natutulog ang kanyang asawa pumunta siya sa palikuran.
Bumalik si Maricel, nang makarinig ng mga putok hanggang sa makita ang kanyang asawa na naliligo sa sariling dugo.
Sa ulat, dinala ang biktima sa Good Samaritan Medical Center sa Gapan City, Nueva Ecija para sa paunang lunas subali’t wala ng buhay ito.
Nang makarating sa kinauukulan ang nangyari, agad nagsagawa ng malalimang imbestigasyon at magkakahiwalay na follow up operation ang pinagsamang puwersa ng San Miguel, San Ildefonso police at Provincial Intelligence Unit.
Dahil sa extra judicial confession o pag-amin at base na rin sa mga mensaheng nakita sa mga cellphone, lumutang ang pangalan ni Maricel bilang utak sa krimen at Anthony bilang middleman kaya sila inaresto.
Kasabay nito, naaresto rin sa operasyon sina Romie sa Brgy. Kalawakan, DRT na nahulihan ng caliber 45 at granada habang ang kasabwat niyang si Benjie na nakumpiskahan ng Cal. 38 sa Brgy. Pulong Bayabas, San Miguel.
Nahaharap ang mga salarin sa kasong murder habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya.