Advertisers
TIMBOG ang tatlo sa pitong salarin sa pagpatay sa kagawad ng Barangay Canumay East, Valenzuela City noong Hunyo 29.
Inihayag ng Valenzuela City Police Station (VCPS) na ‘Murder’ ang kakaharaping kaso ng mga dinakip na sina Michael Tamayo Jr., 28 anyos, ng Malabon City; Ricky Barte Montemayor, 47, isa sa mga umano’y utak ng pamamaslang; at Jimmy Palisoc Ayad, 48, kapwa ng Valenzuela City.
Ayon sa pulisya, nilapitan ng dalawang lalaki ang biktimang si Alexander Liwanag Joseph, 49, sa D. Bonifacio St., ng nasabing barangay at paulit-ulit na binaril noong 6:40 ng umaga ng Hunyo 29.
Tumalilis ang mga salarin sakay ng itim at pulang motorsiklo patungong Marton St., habang itinakbo ang biktima sa pagamutan ngunit nalagutan ng hininga sa daan.
Sa tulong ng closed-circuit television (CCTV) footage, natuklasan ng mga pulis na si Tamayo ang nagdala ng motorsiklong ginamit ng mga namaril sa pinangyarihan ng krimen, at namasahe lang ang dalawang gunmen mula Caloocan patungo sa crime scene.
Natiklo si Tamayo sa Barangay Tanong, Malabon 10:00 ng gabi ng Hulyo 8. Nakuha sa kanya ang motorsiklong ginamit sa krimen.
Dagdag ng pulisya, nagsagawa ng extrajudicial confessions si Tamayo kungsaan inamin niya ang partisipasyon sa krimen at ikinanta ang anim pang kasangkot na sina Montemayor atAyad; ang mga namaril na sina Tito Santiago Salibio, 43; Carlito Mansueto Abalo, 31, ng Malabon; Reyce Malicdem, 36, ng Valenzuela, at isang alyas “Abdul.”
Nasakote si Montemayor sa an anti-illegal drug operation noong Agost 25, habang naaresto si Ayad dahil sa pagdadala ng kalibe .45 na baril at granada sa Service Road, Canumay East noong Agosto 28.
Nabatid na si Montemayor, na dating ingat-yaman ng Canumay-Lawang Bato-Punturin-Paso De Blas Tricycle Operators and Drivers Association (CALUPUPATODA), ay humingi ng tulong sa mga kasabwat para itumba ang biktima, matapos na kasuhan nito ng ‘estafa’ dahil sa paglulustay ng pondo ng samahan na aabot sa P1,335,846.29.
Ayon sa pulisya, inamin din ni Montemayor na si Ayad, ang kasalukuyang pangulo ng CALAPUPATODA, ang siyang bumuyo sa kanya na patayin si Joseph, na makakalaban sana ni Ayad sa halalan para pagka-pangulo ng organisasyon noon sanang Hulyo 3, apat na araw matapos likidahin ang biktima.
Pinaghahanap pa ng VCPS ang apat na salarin. Magugunitang nag-alok ng pabuyang P600,000 ang Pamahalaanng Lungsod ng Valenzuela sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon ukol sa kinaroroonan nina Salibio at Abalo.