Advertisers
Nananatili si Senator Christopher “Bong” Go sa determinasyong ipagpatuloy ang kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na puksain ang iligal na droga sa pagpapakita ng suporta sa panukalang Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Law.
Sa pampublikong pagdinig na isinagawa ng Senate committee on public order, binigyang-diin ni Go, na nagsisilbing vice chair ng komite, na malaki ang maitutulong ng institusyonalisasyon ng ADAC sa kampanya laban sa illegal drugs, lalo sa pakikipag-ugnayan sa mga kaugnay na ahensya at pagsubaybay sa mga insidenteng may kinalaman sa droga.
“Long overdue na po itong Anti-Drug Abuse Council Law, that seeks to institutionalize Anti-Drug Abuse Councils in every local government unit. Sang-ayon po ang mga panukalang ito sa hangarin ng ating gobyerno na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating bansa sa pamamagitan ng pagpuksa sa iligal na droga,” ayon kay Go.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA), mayroong 25,061 barangay o 59.61% sa 42,045 barangay sa buong bansa ang idineklarang drug-cleared at 6,574 na barangay ang drug-free o hindi apektado, habang 10,410 barangay ang hindi pa nalilinis.
Iniulat din ng Philippine National Police (PNP) na ang bilang ng krimen sa bansa ay bumaba nang husto ng 73.76% sa pagsisimula ng administrasyong Duterte noong 2016 hanggang 2021.
“Bagama’t hindi ito perpekto, sinikap po ng Duterte administration na bumaba ang crime rate natin, and of course sa tulong po ng ating mga pulis ngayon. And of course sa tulong po ng ating DDB (Dangerous Drugs Board), itong Anti-Drug Abuse Council natin sana po ay maisakatuparan na,” anang senador.
Sinabi ni Go na nakita naman na kapag na-contain ang paglaganap ng iligal na droga ay kasamang bumababa ang krimen.
“Pero kapag lumala na naman ang droga, at kapag dumami muli ang mga gamit nito, bumabalik po ang kriminalidad,” aniya.
Ang Senate Bill No. 203 na isinusulong ni Sen. dela Rosa ay mag-aatas sa bawat local government unit na magkaroon ng kanilang sariling ADAC na magtatatag ng mga ligal na balangkas upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga patakaran at programa laban sa droga.
Dapat ding isama ng bawat LGU ang Community-Based Drug Rehabilitation Programs sa kani-kanilang komunidad, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health, Department of Social Welfare and Development, at Dangerous Drugs Board.
Binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel ng ADAC sa pagpapabuti ng kapayapaan at kaayusan na magbibigay-daan sa bansa na makamit ang progreso partikular sa mga katutubo.
“Mahalaga na hindi masayang ang ating nasimulan at maipagpatuloy ang pagsugpo sa mga nasa likod ng iligal na droga gaya ng ginawa ng administrasyong Duterte para masolusyunan din ang problema sa kriminalidad at katiwalian,” ayon sa mambabatas.
Kaugnay nito, pinuri ni Go ang kasalukuyang administrasyon sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa malinaw na intensyong ipagpatuloy ang paglaban ni dating Pangulong Duterte sa iligal na droga.
Sinabi ni Go na tiwala siya na sa paglikha ng ADAC sa bawat komunidad, tiyak na mapapalakas ang kampanya ng gobyerno laban sa mga sakit ng lipunan, iligal na droga, kriminalidad at katiwalian.
“Marami pong Pilipino ang gusto pong mamuhay nang tahimik at ligtas. Huwag nating sayangin ‘yung trabaho po ng ating pulis at ng ating militar to maintain peace and order. ‘Yung naumpisahan po nila, at kung ano ang pamamalakad po noon, sana po ay ipagpatuloy n’yo po to make life comfortable for all Filipinos,” iginiit ng senador.
At bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na puksain ang iligal na droga at tumulong sa pagre-recover sa mga biktima nito, muling inihain ni Go ang SBN 428 na magtatatag ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan.