Advertisers
Nagbigay ng tulong si Senator Bong Go sa mga mahihirap na pamilya sa mga lungsod ng San Jose del Monte, Malolos, at Meycauayan, Bulacan simula Setyembre 1 hanggang 2, bilang bahagi ng walang patid niyang suporta sa mga naaapektuhan ng krisis.
Sa kanyang video message, hinimok ni Go ang mga Bulakeño na manatiling sumusuporta sa gobyerno habang patuloy niyang isinusulong ang pagsisikap na mapalakas abg pagbabakuna sa buong bansa.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, muling iginiit ng senador ang pangangailangang paigtingin ang pagbabakuna sa mga malalayong lugar upang matiyak na mas maraming Pilipino ang maprotektahan laban sa COVID-19.
“Patuloy lang po tayo sa pagbabakuna para maabot na natin ang population protection. Magtiwala po kayo sa bakuna dahil ito lang po ang susi natin ngayon para makabalik na tayo sa normal na pamumuhay,” ayon kay Go.
“Pero pakiusap ko lang din po na kahit patuloy ang ating pagbabakuna, huwag pa rin po maging kumpiyansa dahil ito pong COVID-19 ay isang kalaban na hindi natin nakikita. Sumunod pa rin po tayo sa mga health protocols,” dagdag niya.
Para sa maayos na pamamahagi, inilunsad ng pangkat ni Go ang relief operations para sa 671 Bulakeño sa San Rafael 3 Barangay Hall sa San Jose del Monte City; Bulacan Sports Complex sa Malolos City; at Congressman Villarica District Office sa Meycauayan City.
Namahagi sila ng mga meryenda, maskara, kamiseta, at nagbigay sa mga piling residente ng cellular phone, bisikleta, sapatos, at bola para sa volleyball at basketball. Binigyan din ng mga grocery packs ang mga biktima ng sunog.
Samantala, nagpaabot naman ng tulong ang Department of Social Welfare and Development para makabangon ang mga residente.
Alinsunod sa kanyang pangako na pangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino, nag-alok din si Go ng tulong sa mga nangangailangan ng pangangalaga sa ospital. Pinayuhan niya ang mga ito na humingi ng tulong sa Malasakit Centers na matatagpuan sa Bulacan Medical Center sa Malolos City o Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Sta. Maria.
Matapos masaksihan ang pakikibaka ng mga Pilipinong kapos sa pananalapi sa pagkuha ng tulong medikal mula sa gobyerno, pinasimulan ni Go ang programang Malasakit Centers noong 2018 at kalaunan ay pangunahing nag-akda at nag-sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019 upang ma-institutionalize ang programa.
“Ang Malasakit Center po ay one-stop shop, nasa loob na ng ospital ‘yung apat na ahensya ng gobyerno – PhilHealth, PCSO, DOH, DSWD. Meron na po tayong 151 centers sa buong bansa. Tutulungan ho kayo hanggang maging zero balance po ang inyong billing,” paliwanag ni Go.
Sinuportahan din ni Go ang ilang imprastraktura sa Bulacan, kabilang ang rehabilitasyon ng City Convention Center, pagtatayo ng mga multipurpose building sa iba’t ibang barangay, pagtatayo ng criminology building sa loob ng San Jose del Monte City College, at pagtatayo ng mga flood control structures sa Brgy. Dulong Bataan sa San Jose Del Monte City.
Sa Lungsod ng Malolos, sinuportahan ni Go ang pagtatayo ng isang multipurpose building sa Brgy. Niugan, pagtatayo ng mga tulay sa Brgys. Anilao at Dakila, road and drainage improvement sa Brgy. San Vicente, at ang rehabilitasyon ng Bulacan State University Activity Center.
Sinuportahan din niya ang pagtatayo ng apat na palapag na multipurpose building sa Brgy. Saluysoy, pagkuha ng ambulance unit, pagpapatayo ng Ospital ng Meycauayan, at paglalagay ng mga street lights sa iba’t ibang barangay sa Meycauayan City.
Mula Agosto 24 hanggang 25, nagbigay ng katulad na tulong ang tanggapan ni Go sa 1,666 residente sa San Jose del Monte City.