Advertisers
Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang paglulunsad ng ‘online payment system’ para sa business at real property taxes sa Caloocan katuwang ang GCash nitong Lunes, Setyembre 5, sa regular na flag raising ceremony ng lungsod.
Maaari na ngayong magbayad ng buwis sa Caloocan City ng komportable sa kanilang mga mga tahanan sa caloocancity.gov.ph sa ilalim ng Online Services-Assessments and Payments drop-down menu. Piliin ang ‘Gcash’ bilang paraan ng pagbabayad at ilagay ang halagang babayaran. Isang text message ang ipapadala sa rehistradong mobile number bilang kumpirmasyon sa pagbabayad.
Ayon sa Alkalde, layunin nitong mapabuti ang kadalian ng pagnenegosyo at pagbabayad ng buwis sa Caloocan, dahil maghihikayat ito ng mas maraming investors at residente na magbayad sa oras.
“Kung gaano kaganda at kaayos ang ating City Hall, sisikapin nating ayusin rin ang mga transaksyon sa loob nito para mahikayat ang mas marami pang negosyante at ang ating mga kababayan na magbayad ng buwis sa oras,” wika ni Along.
Binigyang-diin din ni Mayor Along, na ang alternatibong sistema ito ng pagbabayad mas ligtas at mas maginhawa, lalo na para sa mga nagtatrabaho tuwing weekdays, senior citizens, at para sa pangkalahatang populasyon sa gitna ng pandemya.
“Mas madali, walang pila at hindi na kailangang umabsent o mag-leave ng mga nagtratrabaho para magbayad ng buwis, lalo na sa mga senior citizens natin na nagtyatyagang pumunta pa sa City Hall. Mas ligtas ang online payment para sa lahat dahil naiiwasan nating makisalamuha sa ibang tao,” ayon pa kay Mayor Along.
Ipinahayag ni City Treasurer Analiza Mendiola na alinsunod ito sa direktiba ng Alkalde sa kanyang inaugural speech na magbigay ng online options para sa mga transaksyon ng gobyerno. Tiniyak din ni Mendiola sa mga nagbabayad ng buwis na makakatanggap sila ng soft copy ng kanilang resibo sa pamamagitan ng email at maaari nilang ibigay ang kanilang tirahan at mga detalye para sa paghahatid ng hard copy.
“Bahagi po ito ng direktiba ni Mayor Along sa City Treasury Department na ayusin, paunlarin ang ating mga sistema at gawing online. Sa mga magbabayad naman po ng buwis gamit ng GCASH, makakatanggap po kayo ng soft copy ng resibo sa inyong email address at kung kailangan niyo ng hard copy, mag-reply lang po kayo ng inyong address at detalye para maipadala po natin ito,” wika ni Mendiola.
Maaari ding subaybayan ng mga nagbabayad ng buwis ang kanilang transaction history, na may mga detalyadong account sa kanilang mga pagbabayad. Gayundin, maaaring irehistro ng mga may-ari ang kanilang mga bagong negosyo, magsumite ng mga kinakailangan at magbayad para sa mga bayarin sa pagpaparehistro sa pamamagitan ng parehong link.(BR)