Advertisers
SINIGURO ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo sa mga mambabatas na sasalain nilang mabuti ang nasa 1.3 million household 4Ps beneficiaries na nakatakdang matanggal sa programa.
Pahayag ni Tulfo, batid niya na may alinlangan ang mga mambabatas at sa mismong mga beneficiaries nang kanilang ianunsiyo ang posibleng delisting dahil sa hindi na maitu-turing na “poor” o mahirap.
Bunsod nito nakipag-pulong siya sa samahan ng mga 4Ps beneficiaries at inalam kung ilan ba talaga ang maaari nang “grumaduate” sa programa.
Lumalabas aniya na 30% hanggang 40% muna ang hindi dapat alisin.
Bunsod nito, pinagsumite ni Tulfo ang naturang samahan ng listahan ng mga benepisyaryo na maaari nang alisin.
Pagtitiyak pa ng kalihim na maalis man sa 4Ps program ay may iba pang programa ang DSWD tulad ng sustainable livelihood program at AICS.
Ayon kay Tulfo, patuloy pa rin ang ginagawang validation ng DSWD sa iba pang mga 4Ps beneficiaries.
Batay naman sa tala ng ahensya, hanggang nitong September 5, 2022, nasa 187,613 household beneficiaries ang opisyal na na-delist sa 4Ps.
Sa ilalim ng 2023 budget ay nasa P115-billion ang inilaan para sa 4Ps.