Advertisers
NANGANGAILANGAN ngayon ang Germany ng 600 rehistradong nurse galing Pilipinas.
Kabilang sa mga aprubadong aplikante ang 27 anyos na si Auda Gam-bala, na lilipad papuntang Germany sa Miyerkules.
Batay sa kontrata ni Gambala, €2,500 o higit P141,000 ang kaniyang sahod kada buwan.
“‘Yon ang basic kasi good as nurse assistant ka doon, then mag-take ka ng exam nila para ma-recognize ka as registered nurse nila and pwede pa mag-increase salary mo,” ayon kay Gambala, na hangad na kumita nang sapat para sa kaniyang pamilya.
Isasagawa ang selection process sa Department of Migrant Workers, sa ilalim ng Triple Win Project, isang government-to-government agreement na nilagdaan noong 2013.
Ang mga interesadong aplikante ay kailangang may B1 o B2 level na Germany language proficiency o dumaan sa German language training na idaraos at babayaran ng Triple Win.
Maaari umanong magsimula mula Nobyembre 2022 hanggang Enero 2023 ang language class.
Iginiit naman ni Laura Oexle, chargé d’affaires ng German Embassy sa Manila, na walang placement fee na hinihingi sa hiring.
Sa Setyembre 30 ang deadline para sa mga aplikante, na maaaring magsumite ng requirements sa central at regional offices ng Philippine Overseas Employment Administration.
Tinatayang nasa 200,000 dagdag na professional nurse ang kakailanganin ng Germany sa susunod na 10 taon.