Pangakong magsilbi nang may katapatan at paninindigan, panawagan ni Mayor Honey sa mga opisyal at kawani ng City Hall

Advertisers
NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna nitong Lunes sa lahat ng mga opisyal at kawani lungsod na isapuso bilang taimtim na pangako na gawin ang kanilang tungkulin sa bawat linggo nang may katapatan, paninindigan at dedikasyon ang paglilingkod sa lungsod, bayan at mamamayan.
“During our regular flagraising, tayo ay nanunumpa sa ating watawat. Ang ating unang binibigkas, “ako ay Pilipino, buong katapatang nanunumpa sa watawat ng Pilipinas.” Sana po, hindi lang ito nangyayari tuwing araw ng Lunes…mas mahalaga na isabuhay natin ang panunumpang ginagawa natin sa ating bandila na simbolo ng ating bansa,” sabi nito.
Binanggit din ni Lacuna ang isang linya sa Himno ng Maynila na inaawit linggo-linggo ng mga opisyal at kawani ng lungsod na nagsasaad ng “Maynila, Maynila, dalhin mo ang bandila” at hinikayat ang lahat ng dumalo sa flag ceremony na magsilbi ang nasabing linya bilang gabay sa kanilang araw-araw na trabaho bilang public servants. Sinabi rin ng kauna-unahang babaeng alkalde ng kabisera ng bansa na tinitingala ang Maynila kaya naman naging bukambibig ang kasabihan na ‘where Manila goes, the country goes,’
Ayon sa lady mayor, sa paghahandog ng serbisyo publiko sa pang-araw-araw, sila na bumubuo ng pamahalaang lungsod ay dapat na ilagay ang puso at isipan sa kanilang tungkulin at gawin ang lahat upang mapabuti ‘di lamang ang lungsod kundi ang buong bansa sa kabuuan.
Ang maging bahagi ng pamahalaan ang siyang pinakamataas na antas na uri ng serbisyo publiko, dahil binibigyan ka ng pagkakataon na lumikha ng pagbabago sa buhay ng kanilang tinutulungan at pinagsisilbihan upang makalikha ng mas magandang mundo.
“Kaya lagi po nating pahalagahan ang pagkakataong ito na maging isang mabuting lingkod-bayan,” ayon pa sa alkalde.
Binigyang diin din ni Lacuna na hindi lahat ay nabibigyan ng parehong opurtunidadal na makapaglingkod sa lungsod, sa bayan at sa lahat ng mga nangangailangan.
Hindi na mahalaga kung ano ang posisyon na mayroon ka. Ang mahalaga ay kung paano mo nagagampanan ang iyong tungkulin ng buong sipag at katapatan. (ANDI GARCIA)