Advertisers
Isang dalagita ang dumulog sa PNP Women and Children Protection Desk sa Goa, Camarines Sur Sabado nang halayin ng tatlong ‘online friends’.
Ayon kay Major Rodolfo Borromeo, sinundo ng motorsiklo ang biktima ng dalawang suspek, edad 18 at 19 sa bayan ng Tigaon, para makisalo sa ika-20 kaarawan ng ikatlong suspek sa Bgy. Maymatan, Goa.
Nang mag-uwian na umano ang ibang bisita, niyaya ng mga ito ang dalaga na uminom.
Dala ng takot, hindi na rin umano ito nakapalag nang abutan ng umano’y marijuana.
“Maya-maya daw sabi niya, iba na ang kanyang pakiramdam. Nagpunta siya sa cr, paglabas niya ‘yon may isang suspek na pwersahan siyang niyakap, pinasok sa kwarto, at pinaggagawan ng hindi maganda… makaraan ang kalahing oras, ‘yon isa naman, ‘yon din ang ginawa sa kanya,” saad ng hepe.
“Sabi ng biktima, na hinang-hina siya dahil iba nga ang pakiramdam niya dahil pinagamit ng iligal na droga,” dagdag nito.
Matapos ang umano’y gang rape, iniwan na lamang ng mga suspek ang biktima sa kwarto para umuwi sa bayan ng San Jose.
Nakatawag umano ang biktima sa isang kaibigan kaya nasaklolohan ito, at nadala sa pulisya.
Sa isang pursuit operation, nahuli ang mga suspek sa Bgy. Tagontong, Goa na lango pa umano sa alak at droga.
Nakuhanan din ng P1,000 halaga ng marijuana ang nag-birthday na suspek, na umaming nabili ito sa isang chat group sa messaging app na talamak umano ang online selling ng droga.
“’Yon talaga ay kanyang inorder through online… Hindi ka pala makakapasok dun kung hindi ka kasama sa kanilang circulation, sa circle of friends,” saad ng hepe.
Sumailalim na umano sa medical examination ang biktima. Isinalang sa drug test ang mga suspek na kakasuhan ng biktima at pulisya ng rape, child abuse at paggamit ng iligal na droga.