Advertisers
Patay ang mag-asawang magsasaka nang pasukin at pagbabarilin sa loob ng bahay sa Pontevedra, Capiz, Linggo ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Reynaldo Delgado at Fe Delgado.
Sa imbestigasyon ng Pontevedra PNP, habang nasa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Sublangon ang mag-asawa kasama ang menor de edad na anak, bigla silang pinasok ng dalawang lalaki na nakasuot ng bonnet.
Ilang beses na pinagbabaril ang mga biktima ng mga salarin.
Nakatakbo umano sa labas ng bahay si Reynaldo pero hinabol ito ng isa sa salarin at pinagbabaril.
Nakahingi ng tulong sa mga kapitbahay si Fe at kaagad silang dinala sa ospital pero idineklarang dead on arrival ng doktor si Reynaldo habang namatay naman si Fe habang ginagamot.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang anim na basyo na nanggaling sa isang .45 caliber pistol.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Pontevedra PNP sa nangyaring pamamaril at pagtukoy sa mga salarin sa krimen.