Advertisers
Kulong ang 19 taong gulang na lalaki sa kasong panggagahasa sa kanyang tiyahin sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 02, dinakip si Jester John Bibay, out-of-school youth at residente ng Brgy. Quezon, Solano, Nueva Vizcaya.
Ayon sa report, nadakip ang binata ng mga operatiba ng Solano Police Station sa ginawa nilang follow-up operation dahil sa sumbong ng panggagahasa ng 28 anyos na babae mula sa Brgy. Baresbes, Quezon, Isabela.
Ayon sa biktimang itinago sa pangalang “Maria,” 1:00 ng madaling araw noong Setyembre 12, nagising ito dahil naramdamang nakapatong na ang suspek sa kanya at tuluyan siyang ginahasa sa kanilang bahay sa Baresbes, Quezon, Isabela.
Matapos magawa ang panggagahasa tumakas ang suspek ayon sa biktima.
Matapos mai-report sa kapulisan ang insidente, agad na naglabas ng alarma ang kapulisan na siyang naging daan sa pagkakahuli ng suspek.
Napag-alaman na bago ang insidente ng panggagahasa, nakipag-inuman pa ang suspek sa mga kamag-anak nito sa lugar.
Nahaharap ngayon si Bibay sa kasong rape at kasalukuyang nasa kustodiya na ng Solana Police Station.