Advertisers
Nais ipatigil ng Department of Education (DepEd) ang pagkaklase ng mga mag-aaral sa isang sabungan sa Brgy. San Isidro, Mulanay, Quezon.
Ipinahayag ni Mayor Aris Aguirre, pinatigil ng district head ng DepEd ang pagkaklase roon.
“Sinabi po sa akin na hindi na raw po ginagamit ‘yung sports arena at pinigilan po sila ng district head na nakakasakop po sa kanila,” saad nito.
“So humihingi po sila ng tulong sa akin kasi sa palagay po nila, mas kumportable po at mas safe po ‘yung mga bata sa loob ng sports arena.”
Hindi rin siya nasabihan ng DepEd na ipatigil ang pagkaklase sa sabungan.
Ayon naman sa mga magulang ng mga estudyante, mas ligtas umano pa sa sabungan ang kanilang mga anak kaysa mga tent lalo na kung tanghali o tag-ulan.
Pinayuhan naman ni Aguirre ang mga guro na sundin ang sinabi ng DepEd.
“Ang advise ko po sa kanila ay sundin po nila ang panuntunan ng DepEd. Kung ano po ang sinabi sa kanila, ‘yun po muna ang sundin natin. At gagawa po tayo ng paraan. Baka pwede po tayong makakausap ng iba’t ibang matataas na opisyal ng DepEd at muling payagan po na magklase ulit sa sports arena,” aniya.