Advertisers
IBINASURA ng Korte Suprema ang apela ng kampo ni former OIC Maguindanao Governor at dating alkalde ng Shariff Saydona Mustapha na si Sajid Islam Ampatuan kasama si dating Provincial Budget Officer Datuali Kanakan Abpi, Al Haj.
Kaugnay ito ng desisyon ng Sandiganbayan na sangkot sa graft and malversation of public funds sina Ampatuan at Abpi dahil sa maanomalyang pagbili ng mga construction supplies ng mga paaralan na nagkakahalaga ng P38 million pesos noong taong 2008 at 2009.
Noong 2011, inirekomenda ng Commission on Audit o COA ang pagsasampa ng criminal charges laban sa dalawa nang mapag-alaman na walang nangyaring transaksyon at walang nabiling mga materyales.
Hindi rin naitala sa record ng Bureau of Internal Revenue ang naturang transaksyon.
Kabilang sa mga nasampahan noon ng kaso sina late former Gov. Datu Andal Ampatuan Sr, Sajid Ampatuan at provincial officials na sina John Estelito Dollosa Jr., Osmena Bandila, Norie Linas, Kasan Macapendeg, Al Haj, at Landap Guinaid.
Pero nitong 2015, namatay si Andal Sr. habang nakapiit sa Bilibid kaugnay ng Maguindanao massacre.
Sina Unas, Macapendeg at Guinaid, sumakabilang buhay na rin. Sina Bandila at Dollosa naman ay nakalalaya pa hanggang sa ngayon.
Iniintay pa ang pahayag ng mga nabanggit na akusado.