Advertisers
Patay ang isang lalaki nang matabunan ng gumuhong file ng defrost na karne sa loob ng inagtatrabahuan na cold storage sa Navotas City, Miyerkules ng madaling araw.
Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center ang biktimang si Teofilo Tapic, 40, residente ng 131 Sanchangco street, Barangay Catmon, Malabon City.
Sa ulat ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, 12:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng Thawing Storage at VVS Cold Storage and Processing Plant na matatagpuan sa 227 C-3 corner R10, Brgy. Northbay Boulevard South Proper.
Ayon sa report, abala umano ang biktima at kanyang katrabaho na si Rex Fuentes, 19, storage baklas, sa paglilipat ng mga defrost na karne sa isang crates sa loob ng naturang cold storage nang biglang gumuho ang isang file ng semi defrost na karne sa tabi nila.
Natabunan ang biktima habang nagawang makatalon at makatakbo ni Fuentes para mailigtas ang kanyang sarili bago nagsisigaw na humingi ng tulong sa kanilang mga katrabaho.
Kaagad nagtulong-tulong ang saksi at kanyang mga katrabaho na makuha ang biktima at makalipas ang ilang oras nahugot nila ang katawan ni Tapic bago at mabilis na isinugod sa naturang pagamutan subali’t patay na ito nang idating sa ospital.(Beth Samson)