Ordinansa sa mandatory use of face mask sa public places sa Maynila, inamyendahan na!
Advertisers
INANUNSYO ni Manila Mayor Honey Lacuna na inamyendahan na ng Manila City Council sa pamumuno ng Presiding Officer nito at Vice Mayor Yul Servo ang Ordinance 8627 na nag-oobliga sa lahat ng magsuot ng face masks sa lahat ng pampublikong lugar sa lungsod. Gayunman ang pagsusuot ng face masks ay patuloy na ipatutupad sa mga matataong lugar at sa mga indibidwal na may mataas na tsansa na magka-impeksyon.
Ayon kay Lacuna, ang nasabing Ordinance 8901 na iniakda ni Council Majority Floor Leader Ernesto ‘Jong’ Isip, Jr. ay ginawa alinsunod sa Executive Order na inisyu ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa boluntaryong pagsusuot ng face masks sa open spaces at hindi mataong lugar na mayroong magandang bentilasyon.
Sinabi ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila na sa ilalim ng inamyendahang ordinansa, ang boluntaryong pagsusuot ng face masks sa mga open spaces at hindi mataong lugar na may magandang bentilasyon ay ipatutupad na, gayunman mahigpit na hinihikayat ang mga not fully vaccinated individuals, senior citizens, at mga immunocompromised na magsuot pa rin ng face masks at obserbahan ang physical distancing sa lahat ng oras.
“Provided further, that the wearing of masks is still mandatory in heavily crowded spaces and events, and where minimum physical distancing cannot be obtained, such as but not limited to, fiesta celebrations, the feast of the Black Nazarene, “tiangge”, Christmas super spreader events and the like,” ayon sa sinasaad ng ordinansa.
Idinagdag pa ni Lacuna na ang inamyendahang ordinansa na iniakda ni Isip ay nagsasaad din na ang pagsusuot ng facemask ay mandatory pa rin sa mga indoor private o public establishments kabilang na ang mga public transportation sa kalupaan, ere at dagat at maging sa mga outdoor setting kung saan hindi pwede ang physical distancing.
Inirerekomenda rin ang pagsusuot ng face masks sa labas ng bahay, lalo na sa matataong lugar kung saan mahirap gawin ang physical distancing.
Binanggit ni Lacuna na noong nakaraang linggo ang kaso ng naitalang COVID-19 ay nasa mahigit na 160 pero pumalo ito sa mahigit 300 ngayong linggo.
Ang Presidential EO ay base sa IATF Resolution No.1, Series of 2022, na nagrerekomenda sa liberalization ng face mask mandate sa outdoor settings. (ANDI GARCIA)