Advertisers
TINAWAG ng isang batang mambabatas na “pork barrel” ang P500-million confidential fund sa loob ng proposed P2.3-billion ng Office of the Vice President (OVP) para sa taon 2023.
Binanggit ni Kabataan party-list Representative Raoul Manuel ang obserbasyon niyang ito sa plenary budget deliberations sa House of Representatives.
Sa deliberations, kinumpirma ni Davao de Oro Representative Maria Carmen Zamora, ang nag-i-isponsor sa budget ng OVP, na ang P500-million confidential fund ay nakapaloob sa budget ng OVP para raw sa “good governance programs” na gagamitin sa financial subsidy, medical at burial assistance, at free bus ridership, at iba pa.
Pero ayon kay Manuel, ang good governance ay “highly depends on principles of transparency and accountability, especially among our public officials.”
“Mahirap po tayong makapagsabi na tayo ay nagpa-practice ng good governance kung malaking bahagi po ng ating pondo ay nakakubli,” puna ni Manuel.
“I believe iyong current proposal ng OVP ay maihahalintulad sa vice president’s pork [barrel] cloaked with good governance,” dagdag ng kinatawan ng mga kabataan.
Ang “pork barrel” ay discretionary funds para sa kongresista para sa local pet projects na dineklarang unconstitutional ng Supreme Court noong 2013.
Sagot naman ni Zamora, ang pagkakaroon ng confidential fund ay pinapayagan ng rules.
“It is the intention of the OVP to implement good governance programs based on a strategy and which is legally mandated by a circular issued by the COA and the DBM that allows confidential funds for an office,” paliwanag ni Zamora, patungkol sa Commission on Audit at ng Department of Budget and Management.
Pero giit ni Manuel, ang P500-million confidential fund, bilang bahagi ng good governance programs, ay masyadong malaki at makaaapekto sa delivery ng social services na hangad gawin ng OVP.
“Confidential fund will already account for 23% of the good governance fund. Napakalaki ng kinakain nito para sa mga aktibidad o proyekto para sa ating mga kababayan,” diin ni Manuel.
Ang mga nakaraang Vice President ay hindi nagkaroon ng confidential fund at maliit lamang ang pondo ng Tanggapan. Si dating VP Leni Robredo ay nagkaroon lamang ng pondong higit P400 million sa kanyang unang taon (2017) at P702m sa huling taon ng termino (2022).