Advertisers
HINIMAY na ng Kongreso sa Mababang Kapulungan ang panukalang pambansang budget ng administrasyon ni Boy Pektus. Tila mahabang usapin ang paglalaan ng budget sa mga Kagawaran ng pamahalaan, lalo’t nagsimula sa kawalan ng pondo dahil sinaid ng Inferior Dabaw Group ang salaping bayan sa ‘di makitang nagawa. At bago bumaba nagawa pa nitong umutang sa mas malaking interes ng may ipambayad sa utang na ‘di napakinabangan ng bayan. Nakatala sa kasaysayan na bago pumasok ang administrasyon ni Totoy Kulambo, mahigit P2.0T ang labis na pondong iniwan ng pamahalaan ni PNoy sa kaban bayan, ‘di kabilang ang $1.0B na pinautang. Samantala, taliwas ito sa ginawa ng pamahalaan ni Totoy Kulambo, na nag-iwan ng pagkakautang na halos P13.0T na pasanin ni Mang Juan sa ngayon at sa mahabang panahon.
Sa sitwasyong ito, marapat na himayin kung paano naglaan ang pamahalaan ni Boy Pektus ng budget para sa mga Kagawaran batay sa takbuhin ng mga balakin para sa bayan. Una, ang budget ng DepEd, isa ito sa pinakamalaking pondo sa mga Kagawaran na tumaas ng 12.8% o P77.3B. Habang malaki ang iniliit ng mga pondo ng SUCs ng 9.9% o P10.7B na nangangahulugan na pagbaba ng bilang ng mga isko ng bayan. Ganun din ang CHED, bumaba ang budget ng 6.2% o P2.0B habang ang TESDA’y bumaba ng 2.2% o P314.5M. Sa itsura ng mga pigura, malinaw na hindi ang edukasyon ang prayoridad ng pamahalaan ni Boy Pektus. Sa halip kung sino ang malapit ang nabigyan ng malaking budget ngayong magkasinghalaga ang mga sinasabing sangay ng pamahalaan kung edukasyon ang usapin.
Ang masakit, may mga sangay sa loob ng DepEd ang binigyan ng zero budget sa di malamang dahilan. At mukhang mapapako ang isang pangako ni Boy Pektus na bigyan increase ang sahod ng mga guro dahil sa pahayag ng Kalihim na wala munang salary increase ang mga guro.
Sa kabilang dako tila hindi pinalad ang DSWD na makakuha ng malaking budget sa harap ng dumaraming kalamidad sa bansa. Ang budget nito’y bumaba ng 39% o higit na P8.0B para sa susunod na taon. Malinaw na mababawasan ang mga ayudang iaabot sa susunod na taon gayong tumataas ang bilang ng naghihirap. At tila matatapos ang magandang kapalaran ng 31.0M manghahalal na umaasa sa ayudang galing sa kagawaran. Saan lalapit ang maraming naghahanap ng ayudang medical na madalas na ibinabato sa kagawaran. Baka hindi makapasok ang isang takbuhan ng mamamayan sa susunod na halalan.
Samantala, tila bwenas na malas ang OIC ng DOH sa pagtaas ng budget ng Kagawaran sa 4.1% o P7.7B, na hindi nito ikinatuwa. Sa totoo lang nabawasan ang mga pondong tuwiran na nasa palad nito, tulad ng mga rural health program, lalo ang mga inilatag na mga health facilities maging ang mga dagdag na Barangay Health Center sa mga malalayong bayan na tuwirang naghahatid serbisyo sa mamamayan. Nariyan ang ilang opisina, Family Health, Infectious Disease, at iba pa na mahalaga sa kasalukuyang kondisyon ng kalusugan sa mundo’y nagsipag liitan o nabawasan ang budget, paano na kung may bagong pandemya, ito’y taliwas sa pangako ni Boy Pektus.
Sa totoo lang, sa Kagawaran ng Kalusugan tanging ang PhilHealth ang nakangiti dahil nakuha nito ang malaking pagtaas ng budget sa 25.3% o P20.3B. Tila uunahin ang mga pangangailangan ng malalaking pagamutan sa halip na si Mang Juan. Hindi tuwiran ang pakinabang dito ni Mang Juan lalo’t sa mismong datos na nakalap na bumaba ang claims sa 7.7%. Ito’y malinaw na indikasyon na hindi pangunahin sa programa ni Boy Pektus ang kapakanan ng maliliit na kababayan. Dahil ang silbi lang nito’y ang mabola sa panahon ng halalan.
Sa mga istatistika, tila hindi prayoridad ng pamahalaan ni Boy Pektus ang serbisyo na may tuwirang pakinabang si Mang Juan. Halimbawa ang DOLE bumaba ang budget nito ng 48.8% o mahigit na P25.1B, na siyang nagpapatupad ng TUPAD program sa ilang informal sector. Maging ang budget ng DTI‘ bumaba ng 9.1% o P1.6B na magamit para sa MSME. Habang ang DAR at DA eh nagtaasan sa 51.00% at 43.9% sa pagkakasunod, na batid ni Mang Juan ang dahilan kung bakit.
Ang masaya dito ang opisina ng pangulo’t pangalawang pangulo’y tila bantulot sa pagtaas ng budget. Ang sa una’y tumaas ang budget ng 9.7% o karagdagang P796.3M, kasama ang walang audit na intelligence fund. Samantala ang budget ng OVP, nakalulungkot na tumaas ng 223.0% o mahigit na P1.6B na kalakip ang walang audit din na intelligence fund. At para saan pang nasa poder ang magkatambal. Bayan ano ang masasabi sa palad na tinatamasa ng inyong binoto baka maulit pa na mabola kayo? Panghuli, tila nariyan ang trauma ni Boy Pektus sa kasundaluhan at malaki ang tinalon ng budget nito sa 9.0% o P19.0B, gayung walang banta sa seguridad ng bansa. O naghahanda para sa kaligtasan ng nasa itaas ng pamahalaan.
Samantala, narito ang pinakamalaking talon sa allotment sa budget ng bansa, ang bayarin o utang ng pamahalaan. Sa interest pa lang, tumataginting na P69.7B o 13.6% ang tinaas dahil sa laki ng dagdag na utang. Habang ang principal amount eh P268.8B, ito’y karagdagan at hindi mismo ang halagang dapat bayaran sa takdang panahon. Sa itaas, malinaw ano ang mga gastusing bayan na kargahin ni Mang Juan, Aling Marya, Ba Ipe at ng balana. Ang buwis na awtomatikong babawasin sa sahod, binibili, serbisyo at iba pang pagkukunan eh galing sa dugo at pawis ng mamamayan. Sa bawat kilos na gagawin ng mga kinatawang bayan, tiyak na galing ito kay Mang Juan.
Sa mga Kagawaran sa unang bahagi, tuwiran ang serbisyo nito kay Mang Juan kaya’t mahalaga na kung paano naglaan ang pamahalaan ng budget sa mga ito. Ang pagbabawas o pagtaas ng mga pondo’y ikinalulungkot o ikasisiya dahil tuwirang ang pakinabang dito ng bayan at mamamayan. Sa mga istatistikang nakalap, masasabing hindi ang bayan ang una kina Boy Pektus at Inday Sapak, sarili ang una. Ang mga pangako sa nakaraa’y malinaw na panggogoyo sa mga manghahalal lalo sa pangakong kaginhawahan.
Wala sa kanila ang kasalukuyang kalagayan kung ang budget ang pagbabatayan. Ang mahalaga’y natupad ang layon na nakaupo sa trono ng malinis ang ngalan, siyempre ang hayahay na buhay. Habang ang nasa kabilang pwesto’y ang magpatuloy ang pagkamal ng yaman at kapangyarihan.
Sa kabilang dako, idinadahilan ang kulay na bitbit ng mga kritiko sa kilos ng nasa itaas, ito ang ginamit na rason sa mataas na budget para sa sariling layon. At sadyang pagsasabi na ang pula, dilaw, kalimbahin ang may sala sa kaayusang pambayan. Gayung ang kasaysayan at batay sa datos na tangan, nagsasabi na bumuti ang kalagayan ng bayan lalo sa panahon ng panunungkulan ng kalaban ng nasa poder. Sa katunayan, naibalik ang demokrasya at sila’y nahalal. Nagamit ang perang naiwan para lustayin laban kuno sa mga kalaban ng pamahalaan.
Sa huli, ang mga pangako’y tila mapapako sa ngalan ng pondong ibinawas para sa serbisyong bayan. Walang puwang ang bayan basta’t sa kanilang pakinabang…
Maraming Salamat po!!!