Advertisers

Advertisers

FERDINAND MARCOS (Ikatlong Bahagi)

0 227

Advertisers

HINDI maaari na baluktutin ang kasaysayan at ipangalandakan ni BBM at hilong tagasunod na pinakamahusay na pangulo ng bansa ang diktador na si Ferdinand Marcos. Pinakamahusay? Kung pinakamahusay, bakit pinatalsik ng sambayanang Filipino sa Himagsikang EDSA noong 1986 si Ferdinand Sr.? Bakit tumalilis sa Malacanang na parang aso na nakabahag ang buntot sa dalawang huling paa? Kung pinakamahusay, bakit isinuka ng kasaysayan si Marcos na parang may ketong na pinandirihan sa international community?

Nandito kaming saksi sa kasaysayan at buhay na buhay upang isulat ang totoong kasaysayan. Hindi malilinlang ng mga Marcos ang sambayanan. Patuloy namin bibigyan ng linaw ang lason na ikinakalat ng kampo ng mga Marcos sa lipunan. Ipapaliwanag sa mga kabataan kung ano ang totoong nangyari. Isang panata na hanggang hindi nagpapantay ang aming mga paa tungo sa huling hukay aming ipapaliwanag ang lahat-lahat kung bakit isinumpa ng kasaysayan si Ferdinand Marcos.

Sa pagkakataong ito, isasalaysay namin ang huling araw ng mga Marcos sa Malacanang – araw ito ng Martes, ika-25 ng Pebrero, 1986. Ito ang araw na natalo ang kampo ni Marcos at tanging ang kanilang pagtalilis ang paraan upang manatili silang buhay sa planetang ito. Ito ang araw na nagmistulang mga dagang tumatalon sa lumulubog na barko ang mga Marcos at iba pang piling karakter. Hangad ng artikulong ito na maunawaan ng mga kabataan ang mga pangyayari sa huling araw ng diktador sa Malacanang. Bahagi ito ng mga alaala ng naganap na EDSA People Power Revolution noong 1986.



Isa sa pinakamahalagang yugto ng kasaysayan ang huling araw ng mga Marcos sa Malacañang. Nawalan ng pag-asa, sigla, at kapangyarihan si Ferdinand Marcos, ang diktador ng namuno sa Filipinas sa loob ng 20 taon. Nalusaw ang base ng kanyang kapangyarihan, lalo na ang militar. Lumipat sa kalabang rebeldeng puwersa ang maraming lider militar. Hindi nalalayo ang isang mamamahayag sa isang pantas, o iskolar. Ang aking kuwento:

HINDI NAKATULOG si Ferdinand Marcos noong gabi ng Pebrero 24, 1986. Nang tumunog ang orasan bilang hudyat ng pagsapit ng hatinggabi, o pagpapalit ng araw, naramdaman niyang paunti-unting nawawala ang kanyang kapangyarihan bilang diktador.



Patuloy na sumakabilang panig ang mga pulutong ng lider militar sa rebeldeng kampo nina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos, ang dalawang lider na nagsagawa ng hindi maisip na pagtalikod sa pamahalaan ni Marcos tatlong araw ang nakalipas. Nagtungo ang maraming opisyal ng militar sa Camp Crame upang sumumpa ng suporta nina JPE at FVR. Ang iba ay nanatili sa kani-kanilang kampo, areas of responsibility, at command posts.

Hindi kailangan na pumunta sila sa Camp Crame; nasa panig na sila ng mga rebelde.Tahimik na nakipag-usap ang puwersang rebelde para sa maramihang paglipat ng lider militar na hindi pa kaanib sa rebeldeng hanay.



Sa pagsapi sa puwersang rebelde, tangi nilang ginawa ang hindi pagsunod sa mga iniutos ni Marcos at kapanalig tulad ni AFP chief of staff Gen. Fabian Ver at opisyal na tapat kay Marcos. Mistulang hari na walang kaharian si Marcos.

Isang palaisipan kung gumagana sa kasagsagan ng himagsikan ng EDSA ang kinasisindakang intelligence network na binuo ni Ver at kapanalig sa panahon ng pamahalaang batas militar. Hindi na ito mabisa sa mga yugtong iyon. Walang sapat na impormasyon nakalap na maaaring pagbatayan nina Marcos at Ver sa kanilang mga desisyon. Kumikilos sila ng maling mali.

Mapanglaw ang dalawa ngunit hindi dahil sa kapaguran sa nakalipas na tatlong araw kundi dahil naramdaman nila ang parating na katapusan. Inumpisahan ni Marcos ang araw na nakipagtalo kay Ver at ang anak na si Ferdinand Jr., o Bongbong, na nakaunipormeng fatigue upang ipakita ang kaniyang kahandaan na lumusob sa digmaan. Pinagtalunan ang balak na paglusob ng puwersa ni Marcos mga rebelde na nagkuta sa Camp Crame.

Ipinagtutulakan ni Ver at Bongbong kay Marcos ang pagbibigay ng kanyang huling utos upang tuluyang pinasabog ng mga papaunting puwersahang loyalista ang Camp Crame, Hindi nila alintana ang mga daan-daang libong sibilyan na nagkakanlong sa mga rebelde doon.

Ngunit patuloy na tumanggi sa kanilang bawat tangka ang diktador na patuloy ang pagsama ng kanyang kalusugan dahil sa matinding kapaguran. Kahapon lamang, nagkaroon ng puwersang panghimpapawid ang mga rebelde nang sumapi sa kanila ang mga piloto na pinamumunuan ni Col. Antonio Sotelo. Pinaputukan ng mga rebelde ang Malacañang upang bigyang babala si Marcos na mayroon sila ng lakas panghimpapawid.

Ginugol ni Unang Ginang Imelda Marcos ang unang dalawa o tatlong oras ng ika-25 ng Pebrero na labas-masok sa pribadong sambahan upang magdasal sa pag-akalang mahihingi niya sa mga santo sa kalangitan ang pagpapaalis sa mga daan-daang libong tao na nagtipon sa EDSA at maging sa ibang lansangan sa paligid ng Camp Crame at Camp Aguinaldo.

Naririnig niya ang mainit na palitan ng mga katwiran sa pagitan ng kanyang asawa, Ver, at Bongbong sa loob ng silid ng diktador, bagaman nararamdaman niyang pagod na siya upang humalo sa walang kabuluhang pag-uusap.

Tanging sina Ver at Bongbong ang may lakas na ituloy ang laban at iutos ang mga tropang loyalista na watak-watakin ang mga taong nagtipon sa kahabaan ng EDSA. Walang nakinig sa kanilang order. Wala kahit isa sa mga natitirang heneral na tapat kay Marcos ang nakakaisip na magagawa niya ang kanilang ipinag-uutos.

Nang sumapit ang ikatlo ng madaling araw, tinawagan ni Marcos si U.S. Sen. Paul Laxalt, isang mambabatas na Republican sa bipartisan group ng mga mambabatas na Amerikano na nagmasid sa nakalipas ng biglaang halalang pampanguluhan noong Pebrero 7, 1986.

Ipinahayag ni Laxalt ang mungkahing solusyon ni Reagan upang matapos ang krisis pulitikal. Ito ang pakikibahagi niya ng kapangyarihan (powersharing) kay Cory Aquino. Ngunit walang sigla si Marcos na tanggapin ang ganitong mungkahi.

Tahasang binigyan ni Marcos si Laxalt ng totohanang sitwasyon na natatalo ang puwersang loyalista sa nagaganap na krisis. Tinapos ni Laxalt ang pakikipag-usap bagaman sinabi niya na babalikan ang diktador matapos niyang makipag-usap kay Reagan. (Itutuloy)

***

MGA PILING SALITA: “No unity without accountability. Never again. Never forget.” – Teddy Te, netizen

“I want him to do well. Too many will suffer otherwise. But whatever good he does now does not erase the need to account for past crimes. Especially when they still continue to deny, while benefiting from, those crimes. Without justice we cannot move on.” – Barry Gutierrez, netizen