Advertisers

Advertisers

Korte Suprema pinatunayan tama si Chiz

0 104

Advertisers

MARAMI ang sumakay sa paggiba kay Senator Francis “Chiz” Escudero noong siya ay Senate President, nang unang isinampa ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio.

Binansagan si Chiz na obstructionist at protektor ng mga dapat managot dahil sa kanyang paggiit na sundin ang tamang proseso sa impeachment.

Ngayon, mismong Korte Suprema na ang naglinaw na ang salitang “forthwith” sa impeachment ay hindi nangangahulugang bara-bara, o mabilisan na walang paggalang sa proseso.

Klaro ang mensahe ng Korte Suprema na kahit impeachment, may constitutional rules paring dapat sundin. Hindi ito pwedeng padalus-dalos dahil lamang sa political pressure.

At ito mismo ang matagal nang sinasabi ni Chiz. Hindi pwedeng i-railroad ang impeachment, gaya nang ginawa ng pamunuan ni dating House Speaker Martin Romualdez. Hindi pwedeng shortcut.

Hindi pwedeng gawing political weapon ang isang proseso na tiniyak lagyan ng safeguards ng Saligang Batas.

Lahat ng naging desisyon niya noon bilang Senate President ay nakaangkla sa batas. Paulit-ulit niyang sinasabi na hindi dapat maging basehan sa impeachment ang mga sigaw sa lansangan, ang mga pressure ng social media, at lalong hindi sa dikta ng mga kampong gusto gamitin ang Senado para sa sariling agenda.

Hindi na rin nakapagtataka na habang lumalakas ang ugong tungkol sa posibilidad ng kanyang pagbabalik bilang Senate President, panay rin pag-atake kay Escudero.

Biglang may mga lumulutang na mga isyu. Nariyan ang petition sa Supreme Court tungkol sa campaign donation, na una nang sinabi ng Commission on Elections na walang anumang iregularidad. Pati ang Ombudsman, idinadawit ang kanyang pangalan kahit napakahina ng kaso laban sa kanya. Hindi tulad ni Romualdez, na napakaraming ebidensya na “nagnakaw” sa kaban ng bayan.

Coincidence? O bahagi ng mas malawak na effort para harangin ang kanyang pagbabalik-SP? O pagsira sa matunog niyang pangalan para sa 2028 presidential elections?

Hindi mahirap unawain kung bakit maraming natatakot sa posibilidad na muli siyang mamuno sa Senado. Alam ng mga nasa poder na hindi kailanman papayag si Escudero na gawing rubber stamp ang Senado. Hindi niya hahayaang maging extension lamang ito ng political machinery ng kung sinumang nasa kapangyarihan. Hindi niya papayagan na gawing sandata ang impeachment para sa pamumulitika.

Sakaling umakyat muli sa Senado ang isang impeachment complaint, malinaw kung ano ang aasahan kay Escudero. Patas na paghawak, mahigpit ang pagsunod sa batas, at pagprotekta sa integridad ng institusyon.