Advertisers
TUMAKBO uli sa Korte Suprema ang kampo ni Vice President Sara Duterte-Carpio.
Hiniling ng kampo ni VP Sara na pigilan ang impeachment laban sa pangalawang pangulo dahil labag daw ito sa batas.
Inireklamo rin ng mag-asawang VP Sara at Atty. Manases “Mans” Carpio ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ang mga miembro ng House Justice Committee na pinamumunuan ni Atty. Gerville Luistro dahil sa anila’y paglabag sa Bank Secrecy Law nang isapubliko sa impeachment hearing ang mga laman ng kanilang bank accounts, kungsaan nabunyag na nagkaroon ng higit P6 billion na pumasok at lumabas sa kanilang accounts gayung ang kanilang mga negosyong nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) ay deklaradong lugi o ‘di kumikita.
Pangatlong takbo na ito nina VP Sara sa Korte Suprema. Ang unang dalawang petitions nila ay ibinasura na. Dito sa pangatlo, feeling ko ay mababasura rin. Bakit? Kasi mandato ng Kongreso ang pagsagawa ng impeachment laban sa impeachable officials na umaabuso sa kapangyarihan.
May kapangyarihan din ang Kongreso na atasan ang AMLC na ilabas ang bank history ng isang depositor na iniimbestigahan sa impeachment.
Sabi nga ng mga dalubhasa sa batas, mababasura lang ang petition nina VP Sara.
Pero para sa mga abogadong DDS o mga namayagpag nung presidente si Rody Duterte, iligal ang ginawa ng AMLC na isapubliko ang bank history ng mag-asawang Sara at Mans.
Well, let’s see kung ano ang magiging desisyon rito ng Kataas-taasang Hukuman.
Subaybayan!
***
Kung walang itinatagong iligal o legit ang bank transactions ng mag-asawang VP Sara at Atty. Mans, ano ang ikinababahala nila?
Pagkakataon na nga nila ito para ipahiya ang mga nag-aakusa sa kanila at malinis ang kanilang pangalan, na sinasabi nilang hindi sila korap! Na ang lahat ng laman ng kanilang bank accounts ay pinaghirapan nila.
Oo! Mas maige na harapin, heads on, ng mag-asawang Sara at Mans ang mga nag-aakusa sa kanila sa impeachment hearings kesa tumakbo sila sa korte, magpa-presscon at sa social media magngangakngak!
Sila narin ang may sabi noon, noong termino ni Digong, sa mga kinasuhan nila na humarap kung walang kasalanan. Na siyang ginawa noon nina ex-Senator Leila de Lima, ex-Sen. Antonio Trillanes at ex-VP Leni Robredo.
Ngayon, sila Duterte naman ang hinahamon ng mga naging biktima nila noon: Humarap sa korte kung walang kasalanan, na bagay na hindi nila ginawa o ginagawa.
***
Habang sinusulat ko ang kolum na ito, isinasagawa ang huling pagdinig ng House Justice Committe sa “mini-trial” ng impeachment laban kay VP Sara.
Isang testigo lang ang ginisa nitong Mierkoles, si NBI Director Melvin Matibag.
Sinobpoena si Matibag hinggil sa resulta ng kanilang imbestigasyon sa mga naging banta ni VP Sara sa mag-asawang Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza, at House Speaker Martin Romualdez.
Nauna nang sinabi ni Matibag na tunay ang pagbabanta ni VP Sara. May kinontak daw talaga itong killer. Da hu?