Advertisers
Noong bata ako, may isang kanta (Filipino song) na madalas kong naririnig sa radyo (AM) at napapakanta rin tayo dahil sa nakakatuwa ito. Pero, hindi ko naman alam ang ibig sabihin ng kanta…”May pulis, may pulis sa ilalim ng tulay…”. Ngunit, hindi kalaunan naintindihan natin ang mensahe nang may nagbahagi ng kahulugan nito.
Hanggang ngayon ay nananatili sa ilan ang impresyon sa pulis – wala nga sila sa ilalim ng tulay pero nagtatago daw sa poste sa kanto.
Ngayon, kapag nakakakita tayo ng pulis sa kalsada, ang unang naiisip ng marami ay “huli,” “sitahin,” o ‘di kaya’y “takot.”
Pero sa bagong programang Project T.A.L.K. ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ni PBGen. Randy Glenn Silvio, mababago na ang impresyon at lalo nang pagkatiwalaan ng mamamayan ang ating kapulisan.
Sa proyektong ito ni PBGen. Silvio, ang mga pulis-QC ay hindi lang basta tagahuli ng masasamang loob – sila na rin ang nagsisilbing “Kuya” at “Ate” na handang sumalo sa mga batang biktima ng karahasan.
Madalas, may naiiulat na mga batang dumanas ng pang-aabuso kung saan ay hindi lang hustisya sa korte ang kailangan nila at sa halip, kailangan nila ay pagkain sa hapag kainan, perang panggastos sa ospital, at taong hindi sila huhusgahan.
Sa ganitong situwasyon, inilunsad naman ng QCPD ang “Project T.A.L.K. — Thank, Ask, Listen, Keep supporting”. ang nakakatuwa dito ay hindi lang ito puro “pulis-pulis” kundi kasama ang tulong pinansyal at serbisyong medikal at legal.
Ganoon ba? Napakagandang programa ito ha. Pwede ba tayo diyan DD lalo na sa tulong pinansyal? Hehehe…
Ang mga tulong na ibabahagi ng QCPD ay napakalaking bagay para sa isang mahirap na pamilya na minsan ay hindi na itinutuloy ang kaso dahil wala silang pamasahe papuntang korte o pambayad sa abogado.
Ang kagandahan sa TALK, hindi ito magiging “ningas-kugon” dahil katuwang ng QCPD ang QC Local Government at Social Services kung saan, tinitiyak na ang bata ay may susulingan kahit tapos na ang imbestigasyon.
Katunayan, iyan ang pangako sa 11 batang unang nakatanggap ng tulong.
Sabi nga ni PBGen Silvio, layunin nilang walang biktima ang makaramdam na nag-iisa sila. At sa pamamagitan ng programang ito, lalong lumalapit ang loob at pagkakatiwalaan ng publiko sa mga pulis. Kapag naramdaman ng tao na ang pulis ay handang tumulong sa kanilang pinakamahihirap na sandali, mas magtitiwala silang makipagtulungan para sa kaayusan ng komunidad.
Sa Project T.A.L.K. makikita ang tunay na “serbisyong makatotohanan” – maraming luhang napapahid at buhay na muling nabubuo.
Sa T.A.L.K. ng QCPD ang kantang “May pulis sa ilalim ng tulay” ay kakaiba na ang ibig sabihin…opo, may pulis sa kanto o sa ilalim ng flyover upang umalalay sa sinoman humingin ng tulong upang alalayan sila lalo na sa mga batang biktima ng pang-aabuso.
Sana, lahat ng distrito ng pulisya sa bansa ay “mag-talk” na rin.