Advertisers

Advertisers

LENI TUMAAS SA SURVEY

0 11

Advertisers

TUMAAS umano sa survey si Leni Robredo kahit inihayag niya na hindi siya tatakbo sa halalang pampanguluhan sa 2028. Pababa ang popularidad ni Misfit Sara dahil sa mga lumabas na hindi kanais-nais na balita hinggil sa usaping impeachment na kanyang hinaharap sa Kapulungan ng mga Kinatawan, o Camara de Representantes.

Tanging si Jonvic Remulla, kalihim ng DILG, ang nagpahayag na interesadong tumakbo sa 2028. Walang nangangahas sa mga pulitiko na magsabing nais silang sumabak sa 2028. Sa maikli, hindi ganap na masukat ang damdamin ng sambayanan kung sino ang maaaring isabak sa 2028 dahil walang nangahas na lumantad.

Ang malinaw na hindi katanggap-tanggap sa madla ay si Misfit Sara. Marami sa mga botante ang matabang kay Misfit habang lumilinaw ang katotohanan sa mga ibinintang sa kanya sa reklamong impeachment na iniharap laban sa kanya sa Kongreso.

Ayon sa mga balita, nagkamal si Misfit Sara ng bilyon-bilyong piso mula sa hindi naipaliwanag na pinagmulan. Dahil sa hindi naipaliwanag, iisa ang konklusyon: galing sa ilegal na aktibidad ang limpak-limpak na salapi. Maaaring sa pagpupuslit ng shabu o pagnanakaw sa kaban ng bayan na ibinibintang sa kanya sa ilalim ng mga reklamong impeachment.

Ngayon, walang malinaw na kandidato ang demokratikong puwersa. Ito ang dahilan kung bakit tumaas si Leni sa survey kahit nagsabi na ang tanging plano niya sa 2028 ay sumabak bilang reeleksiyonistang alkalde ng Naga City. Ayon kay Leni, marapat pumalaot ang ibang kandidato na maaaring kumatawan sa demokratikong puwersa.

Hindi masukat ng anumang survey kung ano ang damdamin ng sambayanan kung hindi aalisin ang pangalan ni Leni, Kiko, at Bam dahil nagpahayag na hindi sila tatakbo sa panguluhan sa 2028. Palaisipan sa amin kung ano ang resulta kung tanging ang mga malinaw na kandidato lang ang dadaan sa survey.

Para sa amin, mahalaga na igalang ang naunang magkakahiwalay na pahayag ni Leni, Bam, at Kiko na hindi sila tatakbo sa 2028. Huwag silang pilitin. Hindi lang sila ang kumakatawan sa demokratikong puwersa.

Kailangan rin pangatawan nila ang kanilang mga salita. Hindi maganda at kanais-nais kung hindi nila paninindigan ang kanilang salita. Maiging itigil na rin ang kampanya upang kumalap ng isang milyon lagda upang kumbinsihin si Leni na muling tumakbo sa halalan ng 2028. Sa totoo lang, nakakapagod ang ganitong kampanya. Wala kaming nakikitang saysay.

Kailangan na rin lumantad ang may lider na handang sumabak sa 2028. Kailangan rin na ilagay ang isang sistema upang piliin ang kandidato ng demokratikong puwersa at kung kinakailangan ay makipag-alyansa sa ibang puwersa huwag lang ang Inferior Davao Group.

Kailangan rin linawin ang kanilang paninindigan. Linawin ang kanilang panukalang plataporma ng gobyerno. Hindi kailangan ang kaalyado ng China. Mga kaaway sila. Hindi nila kinakatawan ang diwa ng demokrasya sa bansa.

***

HINDI kami nagtaka sa desisyon ng Pretrial Chamber 1 ng International Criminal Court (ICC) na kumpirmahin ang sakdal na crimes against humanity laban kay Gongdi. Dahil sa aksyon ng ICC, matutuloy ang paglilitis sa kanya na maaaring magsimula sa Setyembre o kung magiging mabusisi ang defense team niya, ay sa 2027.

Hindi biro ang paghahanda sa court trial ni Gongdi. Magkakaroon ng mga conference meeting upang magkasundo ang dalawang panig sa magiging mekanismo ng paglilitis. Ang nakakatawa ay ang ginawa ng pamilya ni Gongdi sa depensa. Nagpadala ng anim na abogado na Pinoy. Pinamunuan sila ni dating Executive Secretary Badong Medialdea. Kasama rin si Badong Panelo. Kinuwestiyon ang kanilang papel.

Sa huli, sinabi ng Office of the Prosecutor ng ICC na walang papel ang anim na abogado sa sakdal ni Gongdi. Panggulo lang sila. Umuwi na lang ang anim dahil bagahe lang sila doon. Hindi sila maaaring makialam sa gawain ni Nicholas Kaufman at kanyang team. Sila ang kinikilala ng ICC na kumakatawan kay Gongdi.

Hindi hukuman sa Filipinas ang ICC. Iyan ang malinaw. Hindi maaaring gawin ni Misfit Sara ang kanyang nais. Pinagtawanan ang mga abogado na naging turista lang sa The Hague, Olanda. Panggulo lang sila sa malayang proseso ng ICC. Hindi uubra ang kagagahan ni Misfit doon.

***

MAY katwiran na kumalat ang balita na on the way out na si Jonvic Remulla bilang kalihim ng DILG. Marapat lang na palitan lang si Jonvic dahil wala itong ambag sa malayang pamamahala sa bansa. Hindi siya maayos bilang timon. Puro lang siya press release. Hanggang satsat lang si Jonvic. Hindi nahuhuli ang mga high profile suspect ng bansa.

May balita kami na si Sonny Trillanes ang papalit kung Jonvic. Batid namin ng bibigyan ni Trillanes ng prestihiyo ang opisina. Kilalang action man si Trillanes. Ginagawa ang bawat sabihin. Hindi pang-press release lang si Trillanes. Kailangan lang matapos ang one-year ban sa kanya dahil natalo niya nang tumakbo ng alkalde sa Caloocan City. Sa sandaling matapos ang one year ban sa June 30, malaya siyang italaga bilang bagong kalihim ng DILG.