Advertisers
May natanggap na impormasyon mula sa isang hindi nagpakilalang source hinggil sa umano’y pagkilos ng ilang indibidwal na nagpapakilalang may koneksyon sa NBI at posibleng sangkot sa kahina-hinalang aktibidad.
Batay sa paunang ulat, ang mga naturang indibidwal—na gumagamit ng mga alyas—ay umano’y lumalapit sa ilang “bookies” at nag-aalok ng tinatawag na “proteksyon” kapalit ng halagang hindi bababa sa PHP 20,000 kada linggo. Ipinapahayag umano ng mga ito na ang naturang bayad ay para sa intelihensiya at seguridad, na tila nagbibigay ng impresyon na may basbas o kaugnayan ito sa lehitimong operasyon ng ahensya.
Ayon pa sa impormasyon, ang dalawang indibidwal ay nagpapakilala sa alyas na “Jyjy” at “Jpitr.” Gayunpaman, mahalagang bigyang-diin na ang mga detalyeng ito ay hindi pa beripikado at nananatiling bahagi lamang ng isang paunang ulat na nangangailangan ng masusing imbestigasyon.
Dahil dito, hinihikayat ang National Bureau of Investigation na agarang masuri at imbestigahan ang nasabing impormasyon upang matukoy ang katotohanan at mapigilan ang sinumang maaaring umaabuso sa pangalan at awtoridad ng ahensya.
Samantala, pinapaalalahanan ang publiko na manatiling mapanuri at mapagmatyag. Agad na iulat sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang gawain upang maiwasan ang pananamantala at mapanatili ang kaayusan.
Ang integridad ng ating mga institusyon ay mahalaga—at ang bawat ulat, gaano man kaliit, ay maaaring maging susi tungo sa katotohanan at hustisya.
***
Uulitin ko dear readers, noon pang 19-forgotten ay South China Sea na ang tawag sa karagatang ito, na ngayon ay tinatawag nating West Philippine Sea (WPS).
Ewan, kung tama ba ang lohika ng mga nagsasabing sa China nga ang South China Sea (SCS) noon pang 19-forgotten, ito na ang tawag sa karagatang ito.
Panahon ni dating PNoy Aquino nang pangalanan itong West Philippine Sea na sakop ng Pilipinas.
Komo, SCS ang tawag, sa China nga ba ito tulad ng ginagawang pag-angkin nito – na ang malaking bahagi, ayon sa mapa, ay nasasakop ang WPS.
May portion sa Manila Bay na tinatawag na Bacoor Bay — na sumasakop sa mga coastal towns ng Kawit, Noveleta at Rosario, e kung susundan ang lohikang ito, “pag-aari” ng Bacoor ang municipal coastal water ng mga bayang ito at ano siyempre ang tamang sagot: Kahit pa tawaging Bacoor Bay iyon, ayon sa batas, coastal water iyon ng bayang kinaroroonan ng katubigang dagat na nasasakop ng kanilang hangganan o boundary sa lupa at dagat.
Malaking kabobohan din na sabihing “pag-aari” ng India ang Indian Ocean, at hindi papayag ang China, Russia at siguro, magwawala ang US, Canada at iba pang bansa na naglalayag sa karagatang ito.
Kaya, itigil na yang ingay na sa China ang WPS o SCS, kasi sa atin nga ito at nasasakop pa ng ating exclusive economic zone (EEZ), ayon sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noog 2016.
Itong ating EEZ ay tinatanggap ng international community, at nakabatay sa international law.
Pero itong China, walang respeto, bastos kung ating dederetsahin ang salita, walang modo kung sa tao, kasi walang galang sa batas.
Kahit na sinasabi ng The Hague Court na atin ang WPS, panay ang pag-angkin ng China, at lagi tayong binabardagol, kung sa tao, nambabaraso, nandadarag sa isang maliit na tao.
May aral sa Biblia na ang mala-higanteng si Goliath ay tinalo ng batang si David, kaya sumampalataya lamang tayo sa katotohanang atin ang WPS, kahit mabigat ang laban, maipapanalo natin ito, hindi sa giyera kungdi sa isip at simpatya ng buong mundo.
Naniniwala tayo, may natitira pang kahihiyan ang magagaling na lider ng Chinese politburo.
***
Alam naman natin kung bakit L na L ang China sa alindog ng WPS natin?
Iisa ang maiisip na itawag dito, sakim, ganid o mandarambong kung tao ang China, e kaylawak na ng lupa at dagat nito, at napakayaman sa maraming mineral, bakal, tanso, ginto at iba pang yamang dagat at yamang mina sa ibabaw at ilalim ng lupa, eto at ang kokonti na atin, inaagaw pa.
Kung sa tao na masiba, bundat na ang tiyan sa kalalamon, busalsal na ang nguso sa pagnguya, nang-aagaw pa ng butong isusubo ng katabing payat na bata.
Ang gahaman ay laging pakiramdam ay ninanakawan, at iyan ang ginagawa ng China, mantakin mong nasa loob na ng ating teritoryo, inaangkin pa ang nasa ating bibig na.
Iskwater ang China, sa totoo lang, at ang lakas ng loob na magtaboy sa ating mangingisda kasi kanila raw ang Ayungin Shoal at iba pang bahura natin,
“Seagrabber” at iskwater itong China na gusto pang dagdagan ang pitong (7) military and naval base na sakop ng ating WPS.
Kundi tayo nagpoprotesta at nagpapakita ng tapang, ay inakupo, baka matagal nang nagtayo ito ng base militar sa malapit sa Batanes para maging lunsaran ng pagsakop ng China sa Taiwan.
E bakit nga gigil na gigil, naglalaway sa kasibaan ang China sa pagkontrol sa WPS, at kita natin ang intensiyon nito, ito ay upang mas palawakin pa ang sakop at kontrol nito sa ating rehiyon sa dagat ng Asia-Pacific.
Nais ng China na kontrolin ang pagpasok at paglabas ng mga barkong komersiyal at militar sa karagatang ginagamit sa kalakalan ng mga bansa sa buong South East Asia.
Kumbaga sa North Express Way, kailangan bago ka makapasok, magbayad ka ng toll fee o kung wala kang pambayad, no way, sa ibang ruta ka dumaan.
Kumbaga sa gripo, gusto ng China, siya ang mayhawak at may kontrol kung kailan bubuksan ang suplay ng tubig, at kung gaano karami ang tubig na makukuha sa gripo.
Kung hawak ng China ang gripo, hawak niya ang buhay at kamatayan ng mga bansang tatanggi na magbayad ng suplay ng tubig.
Isa pang malaking dahilan kaya gahamang-gahaman ang China sa SCS o WPS, kasi sa ilalim ng karagatang ito, nakaimbak ang bilyon-bilyong bariles na mina ng langis at natural gas.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.