Advertisers
DAVAO CITY – Tinatayang nasa 33 mag-aaral sa Grade 10 at dalawang guro ng Pablo M. Piatos Sr. Integrated School sa Barangay San Isidro, Bunawan, Davao City ang isinailalim sa monitoring nang mabiktima ng food poisoning.
Ayon kay Jocelyn Arcite, midwife sa Barangay San Isidro Health Center, kinumpirma mismo nito ang insidente na kung saan ang kinaing tinapay at kape ang itinuturing na dahilan ng food poisoning.
Napag-alamang napagpasyahan ng buong section ng mga mag-aaral na tinapay at kape ang kakaining morning break snack nitong nakalipas na araw.
Tanghali ng araw ding iyon, sunod sunod na ang pagdulog ng mga biktima sa Barangay Health Center, nang makaranas ang mga ito ng sintomas ng diarrhea.
Nagpapatuloy rin ang imbestigasyon ng otoridad at iilan sa mga itinuturong dahilan ang biniling tinapay ng mga guro, ang tubig na pinagtimplahan ng kape at ang heater na ginamit sa pagpapainit ng tubig.