Advertisers
INARESTO ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang brodkaster sa malisyosong komentaryo nito laban sa isang kompanya sa Cebu City.
Ayon kay PNP ACG Chief, Brigadier General Joel B. Doria, inaresto ang broadcaster na si Arnold Bustamante, 46 anyos, ng Samal Island, Davao Del Norte at kasalukuyang naninirahan sa Sitio Fatima, Barangay Apas, Cebu City, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Cebu City Regional Trial Court (RTC) Branch 11 Presiding Judge Ramon Daomilas, Jr. noong Setyembre 23.
Sa ulat, may inirekomendang P10,000 piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y paninira ni Bustamante sa mga produktong gawa ng isang malaking kompanya sa lungsod nang sabihin nitong pawang peke at mapanganib sa kaligtasan ng publiko.
Sinabi ni Doria na kinasuhan ang brodkaster ng paglabag sa Section 4 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nasa kustodiya na ito ngayon ng Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) sa Central Visayas.