‘Kalinga sa Maynila: Pulong-pulong sa Pagtulong’, lingguhan na – Mayor Honey
Advertisers
UPANG masagot ang lahat ng katanungan at matugunan ang pangangailangan ng mga residente ng kabisera ng bansa ni Mayor Honey Lacuna , ang pulong-pulong na kanilang sinimulan ni Vice Mayor Yul Servo-Nieto at ng kanyang partido ay gagawin ng lingguhan at ito rin ay per zone basis.
Tinawag bilang “Kalinga sa Maynila: Pulong-pulong sa Pagtulong,” ang nasabing pulong-pulong ay gagawin sa iba’t-ibang barangay. Ang unang dalawang pulong ay ginanap sa Blumentritt at Pandacan.
“Kami ay pumupunta sa iba’t-ibang distrito para ilapit ang City Hall sa barangay. Yung mga concerns nila, diretso naming maririnig para maaksyunan agad,” ayon kay Lacuna.
Ayon sa lady mayor, sa pamamagitan ng personal na pakikipagpulong sa mga residente ay direkta nilang matutugunan ang mga katanungan at mga isyung kumakalat lalo na ang mga fake news.
Sa mga susunod na pulong si Lacuna ay sasamahan hindi lamang ni Servo-Nieto kundi maging ng mga Congressmen at Manila Councilors ng mga district concerned at maging ng mga department heads.
Ayon pa kay Lacuna na isa ring doctor, tulad din ng kanilang ginawa sa matagumpay na unang dalawang pulong ay magdadala rin siya ng serbisyong medikal sa ilang mga pasyente sa lugar kung saan gaganapin ang pulong.
Nabatid na nagdadala rin ng wheelchairs ang alkalde sa nasabing pulong upang ipamigay sa mga residenteng hindi na makalakad o dahil sa katandaan. Nagsasagawa rin ng door-to-door visits si Lacuna upang bisitahin ang mga maysakit at personal na dalhan ng gatas ang mga senior citizens at medical assistance ang mga nangangailangan.
Si Lacuna ay binansagang ‘Door-to-Door Doktora’ dahil sa personal niya pagdalaw sa mga pasyente sa kanilang mga bahay upang gamutin ang mga ito ng libre. Ito ay sinimulan niyang gawin noong siya ay napasok sa mundo ng public service hanggang sa kasalukuyan.
Noong kasagsagan ng pandemya, si Lacuna ay personal na nagtungo sa bahay-bahay upang bakunahan ang mga bed ridden ng mga residente, senior citizens at PWDs.
Sa first forum na ginanap sa Blumentritt, si Lacuna ay sinamahan ni Servo kung saan pitong pasyente ang kanilang binisita. Tatlo dito ay dialysis patients habang ang apat ay stroke patients. (ANDI GARCIA)