Advertisers
POSIBLENG isabay sa referendum ang Charter Change kung sa susunod na taon idadaos ang eleksyon ng mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan.
Ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, ito ay kung papayag sila na magkaroon ng pagbabago sa ating Saligang Batas
Ani Padilla, bagama’t tutol siya sa una na ipagpaliban ang eleksyon, may napakagandang oportunidad na lumabas dahil marami na ang humihingi ng amendment at rebisyon sa Konstitusyon.
“Gusto kong ipaalam sa ating lupon na ako ay magpapasa ng panukala na kung tayo po ay pwedeng sumabay sa eleksyon na ito para tanungin ang taumbayan para sa isang referendum,” wika ni Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, sa sesyon ng Senado nitong Miyerkules.
Dagdag niya, sinabi ni minority leader Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na maaari itong gawin.
Niratipikahan ng Senado ang bicameral conference committee report sa pagpapaliban ng barangay at SK election sa Oktubre 2023.
“Kaya kinukuha ko na po ang pagkakataon na ito para sabihin sa ating lupon na mas maganda siguro isabay na natin diyan sa eleksyon na yan ang paghingi natin ng mungkahi ng mga taumbayan at gumawa na po tayo ng referendum at tanungin na natin sila, isabay natin diyan kung kailangan na po ba talaga tingnan po natin kung kailangan nang baguhin ang Saligang Batas, tanungin natin ang taumbayan,” dagdag ni Padilla. (Mylene Alfonso)