Advertisers
HINIKAYAT ng mga senador ang Department of Budget and Management (DBM) na busisiing mabuti ang ibinibigay na alokasyon para sa National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Nais ipatiyak ni Senate Committee on Finance Chairman, Sen. Sonny Angara, na hindi maikokonsiderang “pork barrel” ang pondo para sa task force.
Sa pagdinig ng panukalang 2023 budget ng DBM, kinuwestiyon ni Senadora Nancy Binay ang kung paanong dedepensahan ang hinihinging P10 billion na pondo ng task force para sa susunod na taon kung hindi malinaw ang mga mga proyektong paggagamitan nito.
Napag-alaman rin sa pagdinig na sa P16.4 billion na alokasyong pondo sa NTF-ELCAC noong 2021 ay P3.2 billion pa lamang ang halaga ng mga proyektong nakumpleto, habang P2.9 billion ang patuloy pa ang implementasyon.
Hiningi rin ni Binay ang listahan ng mga proyekto para sa hinihinging alokasyon sa susunod na taon.
Pinaliwanag naman ni Budget Undersecretary Tina Rose Canda na natutukoy lamang nila ang mga proyekto sa panahon ng implementasyon nito.
Kasunod nito, pinaalalahanan ni Angara ang ahensya na gawin dapat malinaw ang mga proyektong paglalaanan ng pondo para hindi ito maturing na pork barrel. – Mula sa Radyo Pilipinas