Pulis at barangay, gamitin ang impluwensya na paalalahanan ang mga tao sa pagsuot ng face masks at magpabakuna – Mayor Honey
Advertisers
NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga barangay officials at kapulisan na gamitin ang kanilang impluwensya para paalalahanan ang kanilang nasasakupan sa pagsusuot ng face masks at magpabakuna kontra COVID-19.
Kapuna-puna ayon sa lady mayor na marami na ang hindi nagsusuot ng faces masks kahit sa indoors, na labis na nakakapag-ambag sa pagtaas ng kaso ng COVID.
Kaugnay pa nito ay hinikayat din ng alkalde ang mga kapulisan, barangay at mga opisyal ng City Hall na hikayatin ang kanikanilang nasasakupan na magpabakuna at magpaturok ng booster.
Ayon kay Lacuna, may mga ulat na nagpapatunay na ang mga naoospital matapos mahawahan ng COVID ay walang bakuna sa naturang sakit.
“Pinakamabisang panangga sa COVID ang patuloy na pagsusuot ng face mask at pagpapabakuna. Ayon sa datos ng DOH, marami sa mga naoospital dahil sa COVID ay mga walang bakuna,” ayon sa alkalde.
Nabatid mula pa rin kay Lacuna na ang vaccination ng eligible population ay patuloy na isinasagawa sa iba’t-ibang city hospitals, shopping malls at health centers, kaya naman walang dahilan para hindi makapagpabakuna ang isang residente kung gusto niya talagang magpabakuna.
Maliban pa sa primary shots ay nagsasagawa rin ng booster shots sa mga nabanggit na vaccination hubs. (ANDI GARCIA)