Advertisers
NAGPUMIGLAS ang isang lalaki nang mapag-kalamang “wanted suspect” at puwersahang isakay sa SUV ng mga nakasibilyang pulis sa Magdalena, Laguna.
Sa ulat sa “24 Oras Weekend” ng GMA-7, mapa-panood sa video na pilit inilalabas ni Crisanto Catandijan ang kaniyang paa para hindi maisara ng nakasibilyang pulis ang pinto ng sasakyan.
Gayunman, tuluyang nasukol si Catandijan at nadala sa estasyon ng pulis sa Magdalena.
Iba ang naging kuwento ni Catandijan sa bersyon ng pulisya sa insidente.
“Nagpakilala ang ating mga tauhan na Pulis Magdalena, nagpakilala kung sino sila at tinanong kung siya ‘yung aming target. Nu’ng tinanong siya sa pangalan na iyon kung saan siya ang target, sumagot naman siya ng ‘oo.’ Kung kaya naman ang ating kapulisan ay sinabihan siya na may warrant siya,” sabi ni Police Major Melencio Arcita ng Magdalena Police.
“Wala po silang sinabi na mga pulis sila, tapos wala silang hiningi sa akin maski ID. Basta nalang nila akong dinampot” giit naman ni Catandijan.
Dagdag pa ni Catandijan, binugbog siya ng mga pulis. Pero itinanggi ito ng mga pulis.
“Pinagbubugbog po nila ako ng tatlong kalalakihan, bukod ‘yung driver. Pagka-sarado pinosasan agad po ako. Doon na po kinumpiska ang mga gamit ko,” sabi ni Catandijan.
“Mariing pinasisi-nungalingan ng ating kapulisan na merong pambubugbog na naganap sa kaniya. Dahil sa kaniyang pagre-resist doon sa pagpasok at sa loob, kung kaya naman self-inflicted ang kaniyang [mga sugat],” sabi naman ni Arcita.
Nakapagpakita umano si Catandijan ng ID noong nasa loob siya ng sasakyan, pero hindi siya pinaniwalaan ng mga pulis.
Ayon naman sa pulisya, sa presinto na nagpresenta ng ID ang biktima nang dumating ang kaniyang mga kaanak.
Matapos maberipika, doon nakumpirma ng mga pulis na mali ang kanilang hinuli.
Nagtamo ng bukol at pasa sa katawan si Catandijan dahil sa insidente.
Plano niyang ihabla ang mga nasangkot na pulis, pero ayon sa pulisya, kakasuhan din nila ang biktima dahil sa mapanirang post nito sa social media.- Mula sa GMA News