Advertisers
KINUMPIRMA ni 3rd Infantry Division Spokesperson, Lt. Col. Magno Mapalad III, na napatay ng tropa ng 94th Infantry Battalion ang CPP-NPA spokesperson na si Romeo Nanta alias Juanito Magbanua/Juaning/Jack.
Ito’y matapos makaenkwentro ng tropa ang grupo ng 10 NPA sa Sitio Medel, Barangay Carabalan, Himamaylan City nitong Lunes.
Ayon kay Col. Mapalad, ito ang pang-limang enkwentro ng tropa sa mga NPA sa Brgy. Carabalan mula nang maglunsad sila ng hot pursuit operations kasunod ng unang enkwentro noong Oktrubre 6.
Sinabi ni Col. Mapalad na ang pagkakapatay sa mataas na lider komunista ay malaking dagok sa operasyon ng mga terorista sa Negros Island.
Si Nanta, mas kilala bilang Juanito Magbanua, ay Commanding Officer ng Regional Operational Command ng Komiteng Rehiyon – Negros at tagapagsalita ng Apolinario Gatmaitan Command.
Sinabi naman ni 3rd Infantry Division Commander Major General Benedict Arevalo na ang pagkamatay ni Magbanua ay inaasahang magkakaroon ng “domino effect” at demoralisasyon sa hanay ng kanyang Command. – Mula sa Radyo Pilipinas