Advertisers

Advertisers

DOTr SEC BAUTISTA AT NAIA GM CHIONG, MABABANG-LOOB, HUWARAN NG INTEGRIDAD

0 275

Advertisers

Nakakatuwa ang mga bagong upong opisyal ni Pangulong Marcos na sina Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista or JJB at NAIA general manager Cesar Chiong.

Kelan lamang ay nagkaroon ng munting salu-salo ang mga miyembro ng Airport Press Club (APC) kasama sila at maging ang kanilang mga kanang kamay na sina Jonathan Gesmundo at MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co.

Sa nangyaring huntahan ay kitang-kita ang pagiging mababang loob nila, pagiging ‘game’ at wala kang mararamdaman na mataas sila kesa sa amin o may posisyon sa gobyerno.



Sa katunayan, nagawa pang mag-serve ng pagkain ni GM Chiong sa kanyang mga katabing sina APC President Ariel Fernandez at Vice President Itchie Cabayan na ikinagulat ng dalawa at maging kami na mga kasamahan din nila sa lamesa nang araw na iyon.

Nang dumating naman si Sec. Bautista at umupo ito sa aming lamesa, kakaunti na lamang ang pagkain dahil tapos na kaming nagsikain at nagkukuwentuhan na lamang. Na-late si Sec JJB dahil sa dami ng pinanggalingang event kaugnay ng kanyang posisyon, kaya naman laking pasalamat ng APC na pinaglaanan niya kami ng kanyang oras sa kabila ng napaka-hectic niyang schedule.

Pag-upo ni Bautista, tila hindi pa ito nananghalian kahit halos alas-2 na.

Walang kesyo-kesyong hinigop nito ang natirang soup sa mesa kahit malamig na. Dun sa mangkok na pinaglagyan ng soup, dun na rin niya nilagay ang sinandok na fried rice.

Inalok ito ni GM Chiong kung ano ang gustong ulam dahil nga mga tira na lang ang nasa mesa pero sinabi ni Sec. Bautista na okay na ‘yung nasa mesa at isang pirasong malamig nang fried chicken lamang ang kinain nito. Tubig lang din ang hiningi niyang inumin samantalang lahat kami ay nag-juice o shake o softdrinks.



Kung gaano kabait sina Sec. Bautista at GM Chiong, gayundin naman sina Jonathan at Bryan na kapag kausap mo ay makikitaan mo din ng kawalang-yabang sa katawan. Sana, lahat ng opisyal ng gobyerno ay kagaya nila.

Nabanggit ni Sec JJB na ang pinakamalaking hamon na kanyang hinaharap sa lawak ng kanyang nasasakupan ay ang mga problema ukol sa mga kalsada gaya ng trapiko, gayundin ang kalagayan ng may 700,000 Pinoy seafarers.

Sa parte naman ni GM Chiong, ang pinakamabigat umanong problema batay sa pagsisiyasat ng kanyang administrasyon ay ang ukol sa land transportation din.

Ayon sa kanya, tinitignan nila ang supply at demand ng mga sasakyan dahil sa mga reklamong tinatanggap ukol sa kakulangan ng mga taxi samantalang nariyan din ang problema ng mga kolorum.

Habang isinusulat ito ay nakatakdang makipagpulong si GM Chiong kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco para pag-usapan naman ang mga paraan para maiwasan ang mahabang pila sa immigration area.

Ipinagmamalaki ni Sec. Bautista na ang kanyang mga itinalagang tao, gaya ni GM Chiong, ay siguradong magtatrabaho nang maayos at hindi nariyan para gumawa ng anumang katiwalian.

Tunay namang mahihiya kang gumawa ng iregularidad kapag ikaw ay itinalaga ni Sec Bautista dahil mismong ang Kalihim ay isang solidong patunay ng matinong pagseserbisyo.

Pagdating sa integridad at matinong paglilingkod, nakasisiguro ang bayan kay Sec. Bautista.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.