Advertisers
NASAWI ang isang security guard nang tambangan ng apat na armadong kalalakihan at tinangay ang bitbit nilang pera na P3 milyon sa bayan ng Maramag, Bukidnon nitong Miyerkoles.
Kinilala ang biktima na si Pedro Talaid Gamino Jr, 38 anyos, security guard ng Cebuana Lhuillier Branch sa Purok 3, North Poblacion at taga-Salawagan, Quezon.
Ligtas naman ang kasama nitong si Medardo Langot Fantonial Jr , 31, liaison officer ng Cebuana Lhuillier at residente ng P-3 Capitan Juan, Lantapan, Bukidnon.
Batay sa report ng Maramag Police Station, 10:00 ng umaga naganap ang krimen sa Purok 1, Brgy Kuya, Maramag.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na minamaneho ni Fantonial ang isang motorsiklo angkas si Gamino, Jr. patungong Pangantucan, Bukidnon para i-deposito ang bitbit nilang P3,000,000 sa Kalilangan Branch.
Hinarang sina Gamino ng mga salarin na sakay ng dalawang motordiklo ,Yamaha MIO na kulay itim at kulay pula na XRM. Agad na pinagbabaril ang security guard, habang inabot naman ni Fantonial sa mga holdaper ang backpack na naglalaman ng nasabing halaga ng pera.
Mabilis na tumakas ang mga holdaper patungo sa direksyon ng Pangantucan.
Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing krimen, kungsaan kasama sa “person of interest” si Fantonial.