Advertisers
LUMANTAD at tumestigo ang negosyanteng si Cedric Lee sa pagdinig sa inihaing petisyon ng TV Host comedian na si Vhong Navarro para makapagpiyansa sa kasong isinampa sa kaniya na umano’y panggagahasa sa modelong si Deniece Cornejo noong January 17, 2014.
Iprinisenta ni Atty. Howard Calleja, lead counsel ni Cornejo, si Lee bilang unang testigo sa bail hearing ni Navarro nitong Oktubre 13.
Dumalo naman si Navarro sa pagdinig sa pamamagitan ng video conferencing na pinahintulutan ng korte alinsunod narin sa Covid-19 protocols.
Ayon kay Atty. Calleja, sa kasong rape iprepresenta ng prosekusyon ang 16 testigo, subali’t para sa bail hearing nasa lima lamang ang papayagang tumistego.
Maalala na inihain ng Taguig City Prosecutor’s Office ang kasong rape at acts of lasciviousness laban kay Navarro sa Taguig RTC.
Tumangging humarap sa media si Lee matapos ang kaniyang pagbibigay ng testimoniya, habang tumanggi din ang kanilang legal counsel na magbigay ng detalye sa testimoniya ni Lee.
Nakatakda namang iprisenta sa susunod na pagdinig sa Lunes, Oktubre 17 ang iba pang testigo.
Nasa limang pagdinig pa ang isasagawa hanggang Nobyembre 10 para sa bail hearing ni Navarro.
Sa panig naman ng abogado ni Navarro na si Atty. Alma Mallonga, nagsagawa sila ng cross-examination sa naging testimoniya ni Lee.
Una nang nag-isyu ang Taguig Regional Trial Court ng non-bailable warrant of arrest para sa kasong rape laban kay Navarro noong Setyembre 19.
Kasalukuyang nakadetine si Navarro sa National Bureau of Investigation (NBI) Detention Center sa Maynila.