Paglilinis ng puntod sa MNC/South Cemetery hanggang Oct. 25 lang – Mayor Honey
Advertisers
HANGGANG October 25, 2022 lamang maaaring makapaglinis ng puntod ng kanilang mga mahal sa buhay na nakalagak sa dalawang malalaking sementeryo na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Ang paalalang ito ay inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna, kasabay ng kanyang panawagan na magsimula ng maglinis ng mga puntod, dahil bawal na ang pagdadala ng mga gamit panlinis sa panahon ng ‘Undas.’
Sinabi ni Lacuna na sina Manila North Cemetery (MNC) director Yayay Castaneda at South Cemetery head Jonathan Garzo ay binigyang direktiba na rin na pansamantalang isuspindi ang paglilibing mula October 28 hanggang November 2 at magbabalik lamang ito sa November 3.
Ito ayon sa kauna-unahang babaeng alkalde ng kabisera ng bansa ay dahil na rin sa dami ng bibisita sa sementeryo sa nasabing petsa lalo na sa MNC na siyang pinakamalaking sementeryo sa bansa.
Samantala ay patuloy pa rin naman ang cremation pero para lamang sa mga nasawi dahil sa COVID-19.
Ang main gates ng mga nasabing sementeryo ay bukas mula 5 a.m. to 5 p.m. simula October 29 hanggang November 2.
Inanunsyo din ng alkalde na bawala sa sementeryo ang mga batang edad 12 – anyos pababa.
“Mahigpit na ipagbabawal ang mga bata aged 12 pababa. ‘Wag na po nating dalhin sa ating mga sementeryo dahil una po, karamihan sa sa ating mga kabataan ay hindi pa bakunado kaya delikado pa rin sa kanila, dahil sigurado ako dadagsain po ang mga sementeryo,” paliwanag ni Lacuna.
Hinikayat din ni Lacuna ang mga wala pang bakuna o hindi pa nakakumpleto ng kanilang doses na huwag ng pumunta ng sementeryo mula October 29 hanggang November 2 kung saan dagsa ang mga bibisita.
Wala ding papayagang makapasok na kahit na anong uri ng sasakyan sa sementeryo, gayundin ang anumang uri ng nakalalasing na inumin, flammable materials, guns, sharp o pointed objects, playing cards, bingo cards o kahit na anong gambling paraphernalia.
Pinayuhan din Lacuna ang lahat na magbaon ng kanilang pagkain dahil walang papayagang magtinda sa loob ng dalawang sementeryo.
“Bawal din ang videoke or sound system or kahit anon a magdudulot ng ingay dahil pupunta tayo dun sa sementeryo para dualaw at hindi magparty-party,” pagbibigay diin pa ng alkalde. (ANDI GARCIA)