Advertisers
NAHAHARAP sa kasong murder ang isang public school teacher nang masangkot sa pagpatay sa 21- anyos na estudyante sa Tampakan, South Cotabato.
Inaresto ang titser na si Rustom Baloyo, 33 anyos, dahil sa pagpatay sa estudyanteng si Jade Vince Eribal, residente ng Barangay Poblacion, Tampakan.
Nabatid na pinatay si Eribal gabi ng Oktubre 8 habang sakay ng motorsiklo. Pinagsasaksak ito ni Baloyo.
Nahagip ng CCTV camera sa lugar kung paano paulit-ulit na sinaksak ang biktima. Natukoy naman ang salarin.
Nabatid na miyembro ng LGBTQ si Baloyo at nagkaroon sila ng intimate na relasyon ni Eribal. Nagalit si Baloyo kay Eribal nang makipagkalas ito.
Bago ang krimen, nakatanggap ng mga pagbabanta si Eribal nang makipagkalas ito kay Baloyo.
Ikinukonsidera ng pulisya na “crime of passion” ang nangyari. Gumanti si Baloyo dahil iniwan siya ng kanyang lover.
Naaresto si Baloyo sa loob ng bahay nito sa Barangay Poblacion, at kasalukuyan nang nahaharap sa kasong murder.