Review ng listahan ng mga seniors sa Maynila, utos ni Mayor Honey
Advertisers
ISANG seryoso at masinsinang pagre-review ng mga listahan ng mga senior citizens sa Maynila ang iniutos ni Mayor Honey Lacuna.
Ang direktiba ay ibinigay kay Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) chief Elinor Jacinto, matapos na makatanggap ng ulat ang tanggapan ng alkalde na may mga nasa listahan na hindi na nakatira sa Maynila at gusto rin ng alkalde na i-update ang listahan.
Ito rin, ayon kay Lacuna, ang dahilan kung bakit nire-require ng OSCA ang personal appearance ng mga senior citizens kapag kukuha sila ng monthly financial aid na ipinamimigay ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Sinasaad pa sa ulat na nakarating kay Lacuna, na may mga senior citizens na doble ang pangalan. Ibig sabihin naka-rehistro sila sa hindi lamang isang barangay.
Sinigurado naman ng alkalde na ang mga inactive ang status dahil sa hindi kumpleto ang kanilang detalye ay aasistihan ng pamahalaang lungsod.
Sa katunayan, sinabi ni Lacuna na marami ng mga senior citizens ang humingi ng tulong sa tanggapan ng OSCA para mag-fill out ng mga kailangang detalye para sila ay mapabilang sa listahan ng mga tatanggap ng monthly cash assistance na ibinibigay ng lokal na pamahalaan.
Nabatid pa sa kauna-unahang babaeng alkalde ng kabisera ng bansa na may mga kawani ng itinalaga para umasiste sa mga seniors sa ganitong aspeto, dahil hindi lahat ng mga seniors lalo na yung mga mahihirap at solong namumuhay ay mayroong access sa computers o may kaalaman sa computers
“Madami na ang nagtungo at natugunan naman ang kanilang problema tungkol sa masterlist. May mga pinagagamit tayong laptops or computers para malutas kaagad ang mga ganyang problema,” sabi ni Lacuna.
“Kapag pananalapi kasi, maingat po kami, kaya ibinababa namin sa mga barangay para walang dahilan na di nila makuha. Kasi, nakikita namin sa listahan ipagpaumanhin ninyo, may mga pagkakaton di na taga-Maynila,” dagdag pa ni Lacuna.
Binanggit pa ng lady mayor na may mga pagkakataon na ang isang senior citizen ay nakarehistro sa kanyang sariling barangay, pero nakarehistro pa din sa barangay ng kung saan nakatira ang kanyang anak.
Dahil dito ay mahirap matukoy, kaya naman nire-require ng ordinansa ang personal appearance sa mga seniors kapag may payout na.
Kapag nasa masterlist na ang isang senior citizen, wala ng dahilan, ayon kay Lacuna para hindi niya matanggap ang kanyang allowance sakaling ito ay available na. (ANDI GARCIA)