Advertisers
PATAY ang isang 18-anyos na nursing student nang barilin ng magnanakaw sa Barangay Buaya, Lapu-lapu City, Cebu, Sabado ng madaling araw.
Arestado naman ang salarin na nakilalang si Rodel Cuizon, 42 anyos, residente ng nasabing lugar; habang ang biktima kinilalang si Johanna Xyrra Selim, dalaga, ng Barangay Tayud, Liloan, Cebu.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na nilooban ni Cuizon ang apartment ni Selim at tumakbo palayo dala ang cellphone ng biktima.
Hinabol ng kapatid na lalaki ng biktima si Cuizon, at sumunod naman si Johanna.
Nang makorner, binaril ni Cuizon ang dalaga na nagtamo ng tama sa kanyang dibdib dahilan ng kanyang kamatayan.
Naaresto si Cuizon sa follow-up operation ng pulisya sa bulubunduking barangay ng lungsod.
Ayon sa pulisya, dati nang nakulong si Cuizon sa pagkasangkot sa ilegal na droga.
Kasong murder at illegal possession of firearm ang isinampa laban kay Cuizon.