Advertisers

Advertisers

KILLER NI LAPID SUMUKO, 3 KASAMA TINUKOY, UTAK NASA BILIBID!

0 281

Advertisers

SUMUKO na ang “gunman” na pumatay sa hard-hitting radio commentator/columnist na si Percival Mabasa alyas “Percy Lapid” nitong Martes.

Iprinisenta sa media ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, kasama sina Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Lt. General Rhodel Sermonia, at National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Gen. Jonnel Estomo, ang salarin na kinilalang si Joel Salve Estorial, 39 anyos.

Ayon kay Abalos, tugma ang nakuha nilang dalawang basyo ng bala sa crime scene sa baril na gamit ni Estorial.



Dala rin ni Estorial ang pulang jacket na suot niya nang patayin si Lapid.

Sinabi ni Estorial na ang nag-utos sa kanya para patayin si Lapid ay nagmula sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa City. Hindi nilinaw kung sibilyan o opisyal mula sa Bilibid ang nag-utos.

Humingi ng tawad ang salarin sa pamilya ni Lapid. “Sana mapatawad po nila ako. Hindi ko po kagustuhan ‘yun.”

Giit niya, tinakot siya ng isa sa kanyang mga kasamahan: “Pag ‘di ko binaril, ako ang papatayin. Kaya binaril ko na si Percy. Kasi po, ang usapan po namin doon, kung sino ang matapat doon sa kay Percy, siya po ang babaril. Eh nagkataon po, natapat sa akin. Sabi naman po, ‘pag ‘di ko binaril, ako po ang papatayin, kaya binaril ko na po si Percy,” sabi ni Estorial.

Inihayag pa ni Estorial na nang patayin si Lapid noong gabi ng Oktubre 3, 2022, may kasabwat pa siya na isang nagngangalang Orlando alias “Orly” at magkapatid na Edmon at Israel Adao-Dimaculangan, at isa pang personalidad.



Pagsisiwalat pa ni Estorial, matapos ang krimen ay nakatanggap sila ng P550,000 kapalit ng pagpatay kay Percy, P140,000 rito ang napunta sa kanyang bank account.

Hindi pa pinangalanan ang mastermind sa insidente, pero giniit ni Abalos na sisiguruhin nilang mahuhuli ito.

“We have to get the mastermind. That’s what is important,” wika ni Abalos.

Tiniyak ni Abalos na hindi fall guy si Estorial at nang mangumpisal ito kasama ang kanyang abogado.

Inilabas din ni Abalos ang litrato ng dalawa pang salarin at hinimok na sumuko na.

Ayon kay Estorial, sumuko siya dahil sa takot na rin sa mga natatanggap na banta sa buhay.

Mayroong pabuya na P6.5 million sa makapagtuturo sa killers ni Lapid. Ang P5 million ay mula sa grupo ni House Speaker Martin Romualdez, P1m mula kay Atty. Alex Lopez, at P500,000 kay Abalos.

“Kayong magkapatid, ako’y nananawagan na rin, sumuko na ang gunman. Mas mabuting sumuko na rin kayo, dahil talagang naramdaman niya mismo na delikado ang buhay niya. At baka iyon din ang mangyari sa inyo,” pahayag ni Abalos.

Si Lapid ay dating direktor ng National Press Club (NPC), kolumnista ng Police Files Tonite at Hataw tabloids. Kapatid siya ng news reporter ng Manila Bulletin na si Roy Mabasa, dating presidente ng NPC.(GAYNOR BONILLA/MARK OBLEADA)