Advertisers
DALAWANG linggo na minanmanan ng mga salarin ang hard-hitting radio commentator at columnist na si Percival Mabasa, mas kilala sa “Percy Lapid”, sabi ng nakababatang kapatid na isa ring journalist na si Roy Mabasa nitong Miyerkoles.
“Naghanda sila ng halos dalawang linggo, sinurveillance nila ang kapatid ko,” sabi ni Roy sa mga reporter base narin sa mga sinabi ng police investigators sa kanya.
Sinabi ni Roy na kasama niya ang mga imbestigador Martes ng gabi (Oct. 18) sa pag-ikot sa crime scene.
“Yung walkthrough kagabi (Martes) gave us a lot of perspective kung papaano nila pinatay ‘yung kapatid ko,” sabi ni Roy.
Aniya pa, nakakuha ang mga imbestigador ng kopya ng closed circuit television (CCTV) footage sa isang restaurant na katapat ng bahay ni Percy. “They were there for more than four days doon sa kainan na ‘yun at minamanmanan nila ang labas-pasok ng aking kapatid.”
Ayon kay Roy, nagawa ni-yang makausap ang gunman na si Joel Escorial, na sumuko dahil natakot rin ito sa kanyang buhay matapos isapubliko ng pulisya ang kanyang larawan na kuha ng CCTV at patungan ng P6.5 millyon reward.
“Isa sa mga tinanong natin sa kanya kagabi kung ano ang motibo at sino ang mga behind sa pagkamatay,” paglalahad ni Roy. “Sinabi niya na siya ay kinontrata ng isang taga-loob ng Bilibid.”
Sabi ni Roy, siniguro sa kanya ng Philippine National Police (PNP) na inaalam na ng mga imbestigador ang iba pang ka-sabwat sa murder. “Ang pulis ay may ginagawang operasyon para madakip ‘yung middleman.”