Advertisers
PINAGHAHANAP ngayon ang isang babae na nawala sa mismong bisperas ng kanyang kasal.
Nakatakdang ikasal si Krizel Joy Enriquez sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Alcala, Cagayan noong Lunes, Oktubre 17, sa isang civil ceremony.
Sinabi ni Alcala Police chief, Major George Marigbay, na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang groom na hindi na pinangalanan kasama kapatid at ama ng bride para i-report ang nawawalang si Krizel Joy, residente ng Brgy. Maraburab, Alcala.
Sa ulat, sinabing huling nakitang umalis ng bahay si Krizel Joy 10:00 ng umaga ng Oktubre 16, na nakasuot ng pink t-shirt at pink jogging pants.
Si Krizel ay may taas na 5’3″ at katamtaman ang pangangatawan.
Nagpaalam umano si Krizel Joy na mamimitas lamang ng kamyas sa punong hindi naman kalayuan sa kanilang bahay pero hindi na ito nakauwi.
Umuwi lamang ang groom ng OFW sa Japan para sa kanilang kasal na nakatakda noong Lunes, 1:00 ng hapon sa Municipal Trial Court sa Alcala.
Pareho rin OFW ang mga magulang ni Krizel Joy na bumalik din lamang ng Pi-lipinas para dumalo sa kasal.
Sa pinakahuling ulat, may tumawag umano na nagpapayong hindi na dapat pumunta ang groom sa bahay ng kanyang bride at tila gustong ipahiwatig na hindi na magkakaroon ng kasalan.